Knife

INA DEDO SA ANAK

March 11, 2024 Melnie Ragasa-limena 62 views

Dahil ‘di nagbigay ng pera’

PATAY ang isang 64-anyos na ginang matapos saksakin ng sariling anak dahil hindi umano nabigyan ng pera nitong Lunes ng madaling araw sa Barangay Masambong, Quezon City.

Kinilala ang biktima na isang 64-anyos na babae na may asawa at nakatira sa Bgy. Masambong.

Agad namang naaresto ang anak niya at suspek na 39-anyos na binata at walang trabaho.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 12:10 ng madaling araw ng Marso 11 nang isagawa ang pagpatay sa biktima sa loob ng kaniyang silid.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PSSg. Lorenz Mappala, nagising umano ang isa sa mga anak ng biktima nang sumisigaw ang kaniyang ina ng, “Tulong! Tama na! Masakit!”

Bago ito ay narinig ng kapatid na nanghihingi umano ang suspek ng pera sa biktima ngunit hindi umano siya binigyan.

Agad siyang sumugod sa silid ng ina at doon ay naabutan pa niya na pinagsasaksak ng kanyang kapatid ang kanilang ina.

Agad namang inawat ang kapatid saka nagpasaklolo sa mga opisyal ng Bgy. Masambong at isinugod ang kanilang ina sa Quezon City General Hospital.

Gayunpaman, bandang 5:40 ng umaga ay binawian na rin ng buhay ang biktima, ayon sa doktor.

Inaresto naman ng mga pulis ang suspek at nakumpiska sa kaniya ang kutsilyong ginamit sa pamamaslang sa kaniyang ina.