Lacuna1

Hearing program inilunsad sa Maynila

March 11, 2024 Edd Reyes 60 views

INILUNSAD ng Maynila ang hearing program na naglalayong tulungan ang mga bata at matanda na may problema sa pandinig noong Lunes sa City Hall.

Pinangunahan nina Mayor Honey Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo Nieto ang paglulunsad ng “Nakakarinig ang Maynila” bilang tugon sa health program ng syudad na may temang “Manila Hears, Mayora Listen.”

Kaugnay ang programa sa pagdiriwang ng World Hearing Day noong Marso 3 kung saan nakipag-ugnayan sa Department of ENT ng University of Sto Tomas (UST) ang Manila Health Department (MHD), katuwang ang anim na pampublikong ospital sa lungsod para magsagawa ng libreng pagsusuri sa mga bata at matandang may problema sa pandinig.

Pinasalamatan ng alkalde ang mga katuwang sa programa na sina Dr. Norberto Martinez, Pangulo ng Better Hearing Philippines, Dr. Christopher Gloria, doktor sa ENT, Hubert Ramos, UST Audiologist, Dr. Josephine Bundoc, Chairman of the Board Physician for Peace and Emissary to the Sponsorship of the Hearing at Barangay Chairman Jefferson Lao, pangulo ng Manila Chinatown Barangay Organization.

Hinimok ng alkalde ang mga kawani ng lokal na pamahalaan na may problema sa pandinig na magtungo sa conference room ng Department of Tourism, Culture and Arts of Manila (DTCAM) upang mauna silang maka-benepisyo sa mga gagawing pagsusuri.

“Ito naman po ay gagawin din po natin sa iba nating mga health facilities. So, sabihan nyo po ang inyong mga kaanak, mga kapwa kawani, mga kaibigan, na kapag ito po ay sinimulan natin sa ating mga health centers ay tumungo po sila dito,” pahayag ng alkalde.

AUTHOR PROFILE