Pagpatay Screengrab mula sa video

Pagpatay sa kapitbahay nakunan sa video

March 11, 2024 Edd Reyes 92 views

SINAMPAHAN ng kasong murder ng pulisya ang mangingisda na nakuhanan ng video habang walang habas na pinagsasaksak ang nakaaway na kapitbahay sa Navotas City noong Sabado.

Isinampa na ng mga tauhan ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes ang kaso laban kay alyas Victor, 43, ng A. Cruz St., Brgy. Tangos South matapos matiklo sa pagpatay kay Alfredo Libao, 45.

Ayon kay Cortes, nangyari ang pananaksak dakong alas-9:10 ng umaga noong Sabado sa eskinitang malapit sa tirahan ng suspek sa A. Cruz St. na nakuhanan ng video ng kanyang mga kapitbahay.

Sa nakalap na pahayag mula sa ilang mga residente sa lugar, gabi pa lamang ng Biyernes naga-away na ang biktima at suspek pero naawat ng kanilang mga kapitbahay.

Sabado ng umaga nang makita ng suspek ang biktima na patungo sa kanilang lugar na may kasama pa, inakala ng suspek na susugurin siya ng mga ito kaya kumuha ng patalim at sunod-sunod na tinarakan ang kaaway na narinig pang nagmamakaawa sa video.

Tanging ang matandang babae na posibleng kaanak ng suspek ang nakita sa video na pilit na umaawat kay Victor sa patuloy na pananaksak kahit bulagta at nagmamakaawa na ang biktima.

Matapos ang pananaksak, isinugod pa sa ospital ang biktima pero hindi na umabot ng buhay.

AUTHOR PROFILE