Default Thumbnail

IED expert, extortionist na ‘terorista’ tiklo sa Cotabato

January 20, 2023 Zaida I. Delos Reyes 170 views

ARESTADO ang notorious na bomber, extortionist, at improvised explosive device (IED) expert ng teroristang Al-Kohbar at Daulah Islamiyah (DI)-Hassan Group sa inilunsad na magkasamang operasyon ng pulis at militar sa Barangay Salat, President Roxas, Cotabato.

Kinilala ni Lt. Col. Dennis C. Almorato, tagapagsaalita ng Philippine Army’s 6th Infantry Division (ID) ang naaresto ay si alyas “Jordan Kamad,” nasa wastong gulang at nahaharap sa kasong murder at multiple frustrated murder.

Ayon kay Lt. Col. Rommel Mundala, commander ng 90th IB (Infantry Brigade), ang suspect ay kilalang “notorious” umano na miyembro ng teroristang gruoo.

“Patong-patong na kaso ang kinakaharap ng suspek dahil sa mga nagawa nitong krimen. Nasa counterpart natin sa President Roxas Municipal Police Station ang pag-asikaso ngayon sa suspek,” pahayag ni Mundala.

Napag-alaman na sangkot ang suspek sa bombing incident sa Kabacan, Cotabat,o at Ecoland Bus Terminal, Davao City.

Kasama ng suspek sa krimen si Ali Akbar, pinuno ng Al Khobar na naaresto noong Enero 21, 2021 sa bisa ng warrant of arrest at bilang isa sa mga utak diumano sa pambobomba ng YBL Bus sa Tulunan, Cotabato noong Enero 27, 2021.

Sangkot din ang suspek sa pagsunog sa YBL Bus sa M’Lang, Cotabato noong Hunyo 3, 2021 na pumatay sa apat na inosenteng sibilyan.

Ang suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya para sa kaukulang disposisyon.

Tiniyak naman ng militar na hindi titigil ang gobyerno sa paghuli sa mga terorista at iba pang grupo na humahadlang sa kaunlaran, kaayusan, at katahimikan ng isang lugar.

Binigyang diin ni Major Gen.l Roy Galido, Joint Task Force Central (JTFC) at 6ID commander, na nakahanda ang kasundaluhan para suportahan ang pulisya sa pagsunod ng mandato na pagsilbihan at protektahan ang mamamayan.

“JTFC were always ready to perform given task and supports the PNP in Joint Law Enforcement Operations in Central and South-Central Mindanao,” pahayag ni Galido.