Default Thumbnail

“Huwag tangkilikin ang mga pekeng produkto — BOC Comm. Rubio”

March 15, 2023 Vic Reyes 332 views

Vic ReyesMGA peke na, mga puslit pang imported na sigarilyo ang natimbog kamakailan ng mga taga-Bureau of Customs (BOC) sa isang storage facility sa Indanan, Sulu.

Ang mga kontrabando na counterfeit cigarettes, na may iba’t ibang brand, ay nagkakahalaga ng mahigit na P1.4 bilyon, ayon sa Intelligence Group (IG) ng ahensya.

Sinabi ni Deputy Commissioner for Intelligence Juvymax Uy na kasama sa anti-smuggling operations ang Philippine Army, Philippine Air Force at Philippine Navy.

Ayon kay Uy, ikinasa ang operasyon pagkatapos na makatanggap ng derogatory information ang Criminal Investigation and Intelligence Service (CIIS) laban sa facility.

Ayon kay BOC-CIIS Director Verne Enciso, ang nasabing warehouse daw ay naglalaman umano ng mga puslit na sigarilyo.

At nakita nga ng mga operatiba ng BOC, kasama ang mga sundalo, na ang nasabing bodega ay naglalaman ng 18,533 master cases ng assorted imported cigarettes.

Ibinida pa ni Depcom Uy na kahit malayo ang Sulu sa Manila, “we made sure that distance won’t stop us from serving the Letter of Authority (LOA) issued by Commissioner Bienvenido Y. Rubio.”

Ang LOA ay nagbibigay ng kapangyarihan sa mga operatiba na inspeksyunin ang nasabing warehouse sa Sulu.

“We will stop at nothing, and will be present in every corner of the Philippines to make sure there won’t be space for those illegal activities,” dagdag ni Uy.

Tama ‘yan, Sir Juvy.

****

Kamakailan ay nag-courtesy call kay Customs Deputy Commissioner for Intelligence Juvynax Uy ang mga representante ng Nike Asia Pacific.

Sila’y nagpasalamat sa Bureau of Customs (BOC), na pinamumunuan ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio, dahil sa “recent seizure of counterfeit footwear.”

Bilang Depcom for intelligence group ay pinangungunahan ni Uy ang inspeksyun sa mga bodega at iba pang storage facilities “as part of the intensified campaign against smuggling.”

Recently, ilang warehouses at storage facilities sa Manila at Malabon ang ininspekyon nina Uy at dito sila nakakumpiska ng maraming pekeng produkto, na kinabibilangan ng Nike shoes.

Nangako pa ang Nike Philippines na “it will increase its trade in the Philippines through its physical stores and e-commerce platforms.”

Hinikayat naman ni Commissioner Bien Y. Rubio, na tubong Batac sa Ilocos Norte, ang taumbayan na huwag tangkilikin o bumili ng mga pekeng produkto.

“These counterfeit products endanger the safety of those who use them,” ang babala ni Rubio.

Kaya nga tama ang ginagawa ng BOC at iba pang opisina ng gobyerno sa pagpapaigting ng kampanya laban sa mga pekeng produkto hindi lang sa Metro Manila kundi sa buong bansa.

Hindi dapat ipinagbibili sa merkado ang mga hindi rehistradong produkto, lalo na ang mga pagkain, inumin at beauty products.

Delikado ang mga ito.

****

Tama si Senador Imee R. Marcos ng sabihin niyang makabubuting huwag muna nating pag-usapan ang pag-amyenda ng ating Saligang Batas.

Oo nga’t may mga provisions ng 1987 Constitution na kailangan talagang repasuhin.

Pero mas mabuting unahin muna natin asikasuhin ang mga mabibigat nating problema, kagaya ng kahirapan, kawalan ng magandang trabaho at patuloy na pagtaaas ng presyo ng mga bilihin.

Sa totoo lang, hirap na ang taumbayan dahil hindi lang pesyo ng gasolina, kuryente at tubig ang tumataas.

Pati presyo ng pagkain ay araw-araw nang tumataas na lalong nagpapahirap sa mga walang-wala.

Maraming tao na ang hindi kumakain ng tatlong beses maghapon.

Pati nga sa umaga, ang iba ay nagkakape na lang para makatipid.

Ang problema, paano ang mga batang pumapasok sa eskwela?

Hindi na sila makapag-concentrate sa klase dahil sa gutom. Wala namang magawa ang mga magulang dahil talagang wala ngang pambili ng pagkain dahil sa kakapusan.

Ang maganda lang, ginagawa naman lahat ng gobyerno para maibsan ang kahirapan sa bansa.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email:[email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE