Default Thumbnail

Huwag i-baby ang “virus” na barangay officials!

July 11, 2022 Allan L. Encarnacion 290 views

Allan EncarnacionHINDI tamang kanselahin ang barangay at SK elections.

Kaya nga tayo may batas na nagtatakda sa eleksiyon na ito para iyong mga proseso sa barangay politics ay hindi nababalam.

Kung ang national at local elections ay hindi natin kinakansela kahit ano pang sitwasyon ng bansa, wala tayong nakikitang dahilan para gawin ito sa barangay.

Sa tingin natin, ang paulit-ulit na pagkansela sa barangay at SK polls ay pangmemenos or pangmamaliit sa importansiya ng komunidad.

Kung uugatin ang problema ng bansa sa basura, sa krimen, sa road obstructions, sa mga squatting, mga illegal construction at community corruption; lahat yan ay puwede nating ibintang sa korap at pabayang barangay.

Pati ang SK ay nagiging training ground lang para sa mga future corrupt officials kaya dapat winawalis din ang ganitong mga batang tiwali.

Kailangang itrato nating importanteng lider ang mga barangay at SK para tumaas din ang tingin nila sa kanilang mga sarili. Aminin man o hindi, maraming barangay at SK officials ang saksakan ng korap at grabe ang pagkainutil.

Kung bibigyan mo ng libreng extension ang mga iresponsableng kapitan, mga kagawad, mga SK officials; para mo na rin pinalalapa sa mabangis na hayup ang mga mamamayan sa kanilang nasasakupan.

Ano ba naman ang P8 bilyon gusto nyong matipid sa pagkansela ng eleksiyong ito kung ikukumpara sa social cause o masamang idudulot sa 42,000 barangays sa buong bansa? Kahit sabihin nating may mga matitino rin namang barangay, hindi pa rin tama na sila ay magpatuloy sa posisyon nang walang bagong mandato sa kanilang komunidad.

Huwag na nating gamiting dahilan ang pandemic para kanselahin ang eleksiyong ito. Kung pandemic at krisis ang ginagamit nating sangkalan ngayon, bakit hindi natin ito ginamit na dahilan para kanselahin ang 2022 local at national elections?

Ang totoo, malaki rin ang pananagutan ng DILG at ng local na pamahalaan sa pagpapatino sa barangay. Ang problema, iyong pagiging kawatan at pagiging pabaya ng ibang lokalidad ang dahilan kung bakit gusto rin nilang bine-baby ang mga “virus” na barangay at SK officials sa kanilang area of responsibility.

Kailangang mawala na sa kapritso ng mga pulitiko na kapag naisipang kanselahin ang barangay election ay magsusulong ng mga panukala sa kongreso at senado. Tigilan na natin yan kung gusto nating makatagpo ng mga matitinong lider sa smallest republic ng ating bansa.

[email protected]