Posas1

HUMABOL SA UNDAS

November 1, 2023 Gil Aman 278 views

3 dedo sa banggaan ng mga sasakyan sa Laguna

TATLONG miyembro ng isang pamilya ang nasawi habang anim pang katao ang malubhang nasugatan sa banggaan ng mga sasakyan sa national highway sa tapat ng Calamba Water District pumping station sa Purok 2, Barangay Bucal, Calamba City sa Laguna, madaling araw ng Nobyembre 1.

Sa ulat ni Calamba City Police chief, PLT. Col. Milany Martirez, kinilala ang mga nasawing biktima na sina Gilbert Palupit, ang drayber ng Honda TMX 125, at ang asawa nitong si Aileen Palupit at anak na si Ma. Aleisha Gale Palupit na pawang mga residente ng Bgy. Real.

Isinugod naman sa pagamutan ang iba pang anak nina Palupit na sina Akisha Gillen, 10-anyos; Allysa Joy, 12-anyos; at Ayesha Gillian, 9-anyos.

Sugatan din sa aksidente ang isa pang tricycle driver na si John Rey San Juan at pasahero nitong si Myla San Juan Alorro na kapuwa sakay ng Kawasaki Barako 175, at si Clay John Tianzon.

Naganap dakong alas-3:30 ng madaling araw ang banggaan kung saan dalawang tricycle at isang Ford Ranger Raptor ang sangkot.

Arestado naman ng Calamba police ang nagmamaneho ng Ford Ranger pickup, matapos ang insidente ng banggaan.

Ayon sa inisyal na ulat ng traffic police, binabagtas ng dalawang tricycle ang daan sa may Bgy. Halang patungo sa Bgy. Bucal nang hindi inaasahang bigla na lamang nawala sa tamang direksyon ang takbo ng Ford Ranger at bigla na lamang nitong okupahin ang kabilang linya ng kalsada na nagresulta sa malakas na pagbangga sa dalawang tricycle na sinasakyan ng mga biktima.

Napag-alaman na lasing umano ang drayber ng pickup nang maganap ang aksidente.

Ang isa sa drayber ng mga tricylce ay idineklarang dead on the spot, habang dalawa pa ay nasawi sa pinagdalhang ospital sa Calamba City.

Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang bigyang linaw ang insidente.

Reckless imprudence resulting in multiple homicide at multiple serious physical injury at damage to property ang posibleng ihaharap na mga kaso ng pulisya laban sa drayber ng Ford Ranger. Ni GIL AMAN & ZAIDA DELOS REYES

AUTHOR PROFILE