Herrera

Hugpong para kay Sara ilalatag “economic roadmap” upang kumbinsihin si Mayor Inday na tumakbo

September 5, 2021 Ryan Ponce Pacpaco 397 views

ILALATAG ng Hugpong para kay Sara (HPS) ang economic roadmap sa susunod na anim na taon upang kumbinsihin si Davao City Mayor Sara Duterte na tumakbo sa 2022 presidential polls.

Sinabi ni Bagong Henerasyon (BH) party-list Rep. Bernadette Herrera, spokesperson ng HPS, na malalim na pag-aaral ang ginagawa ng grupo sa ibat-ibang mga isyu na kinabibilangan ng economic recovery plan sa panahon ng pandemic, kahirapan, China-US relations, West China Sea, karapatang-pantao, kawalan ng trabaho, giyera sa droga, extra-judicial killings at estado ng edukasyon at maraming iba pa.

Sinabi ni Herrera na magiging krusyal ang mga isyung ito upang magdesisyon si Mayor Sara sa hamon na tumakbo sa Panguluhan.

Muling inihayag ni Herrera na ilulunsad ang HPS, isang citizens movement na kinabibilangan ng mga grupo mula sa academe, mambabatas at marginalized sector, sa September 12.

“We’ve set up HPS, and is now snowballing through the regions as people from all sectors, walks of life, and political inclinations are joining it as we go along,” pagdeklara ni Herrera.

Ayon kay Herrera, patuloy na lumalaki ang bilang ng mga organisasyon at indibidwal na sumusuporta sa HPS na mayroong chapters sa National Capital Region (NCR), kabilang ang San Juan, Pasig, Caloocan, Paranaque, Quezon City, Makati and Muntinlupa at maging sa Legaspi City, Ligao City, Albay at Masbate sa Bicol.

Si Cezar T. Bordeos, Jr., anak ni dating Legazpi City Mayor Cezar Bordeos Sr. na kilalang supporter ng Liberal Party (LP), ang vice president ng Legazpi City chapter.

“Mayor Sara Duterte has the ideal characteristics of a good leader and we believe that her expertise can transform us to a better country,” ani Bordeos.

Binubuo rin ang chapters ng HPS sa Nueva Ecija, General Trias sa Cavite, Lipa City sa Batangas, at maging sa pitong mga munisipalidad ng Sarangani province.

Nagpahayag naman ng suporta ang overseas Filipino Workers (OFW) sa Kuwait at Dubai sa Middle East at maging sa Florence, Italy at Canada para suportahan ang lumalawak na panawagang tumakbo si Mayor Sara.

Sinabi ni Herrera na nagsama-sama ang ibat-ibang mga grupo dahil nakikita nila kay Mayor Sara ang magagandang kalidad ng isang lider na maaaring magtaguyod ng mga nagawa ng kanyang amang si Pangulong Rodrigo “Rody” Duterte at maiangat ang ekonomiya ng bansa sa susunod na anim na taon.

“She is the perfect person with her personality and being confident, yet quiet and reserved pero palaban at may totoong malasakit para sa bayan,” ani Hererra sa panayam ng Radyo Pilipinas.

Nanawagan si Herrera sa mga taga-suporta ng HPS na sumama sa patuloy na pagkumbinsi kay Mayor Sara na tumakbo sa Panguluhan.

“Kung kayo po ay nagtitiwala din kay Mayor Duterte, samahan ninyo kami na i-convince siya na tumakbo,” ani Hererra.

AUTHOR PROFILE