HS student pinatay sa QC, 3 suspek tinutugis

September 22, 2021 Melnie Ragasa-limena 370 views

TINUTUGIS ngayon ng pulisya ang tatlong katao kabilang na ang sinasabing kasintahan ng isang 20-anyos na lalaki na nasawi makaraang bugbugin at barilin sa Barangay Pasong Tamo, Quezon City, nitong Martes ng hapon.

Ang biktima ay nakilalang si Darwin Haplit Veron, 20, binata, high school student, at naninirahan sa Block 1 Lot 5 Sitio Masagana, Barangay Pasong Tamo, Quezon City.

Tinutugis pa ng mga awtoridad ang mga suspek na nakilala lamang sa kanilang mga alias na Feddy, Rong-rong, Maricar Pablo alyas Ikay, na sinasabing girlfriend ng biktima.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD, bandang alas-3: 45 ng hapon (September 21) nang maganap ang insidente sa Sitio Masagana Compound, Barangay Pasong Tamo, sa lungsod.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PCpl. Lorenz Mappala ng CIDU, nakipagtagpo umano ang suspek na si Pablo sa tahanan ng isang nakilalang “Belinda” sa kaniyang boyfriend na si Veron.

Pero makalipas lamang ang ilang minuto ay sumulpot ang mga suspek na sina Rong-Rong at Feddy at pinagtulungang bugbugin ang biktima.

Hindi pa umano nakuntento ay bumunot pa umano ng baril sa Feddy at malapitang pinaputukan sa ulo ang boyfriend ni Pablo.

Nang duguang bumulagta ang binata ay agad na tumakas ang mga ssupek habang isinugod naman ng mga nakasaksi sa krimen ang biktima sa Quezon City General Hospital subalit idineklara na itong dead-on-arrival bandang alas- 3:20 ng hapon ni Dr. Alfred Magpantay.