8 sa 62 made na may COVID-19 pumanaw na

September 22, 2021 Melnie Ragasa-limena 169 views

PUMANAW na ang walong madre mula sa Congregation of the Religious of the Virgin Mary (RVM) na unang napaulat na kabilang sa nagpositibo sa COVID-19.

Ang walong madre ay pawang nasa edad na 80 hanggang 90 taong gulang at kabilang sa 62 madre na nagpositibo sa virus mula sa Saint Joseph Home at kumbento ng mga RVM Sisters sa Quezon City.

Ayon kay RVM Sister Ma. Anicia Co, tagapagsalita ng kongregasyon, ang mga hindi lamang nabakunahan sa loob ng kumbento ay ang walong madre na nasawi dahil sila ay may comorbidity o may iniindang sakit.

Ayon kay Sister Co, maliban sa mga madre ay kabilang din sa mga nagpositibo sa COVID-19 ang 52 personnel ng kumbento.

Ang 52 personnel aniya ay nagpapagaling na at mula sa pagiging symptomatic ay asymptomatic na ngayon.

“The personnel are still young so they are on the road to recovery. Some sisters are moving from symptomatic to asymptomatic. Eight of the sisters, aged 90s and 80s, afflicted with COVID returned home to our heavenly Father,” bahagi ng pahayag ni Sister Co sa isang panayam sa radyo.

Patuloy namang humihingi ng panalangin ang mga apektadong RVM sisters para sa tuluyang kaligtasan at paggaling laban sa virus.

“Please pray for us especially our sisters in St. Joseph Home. May our Sisters come to full recovery. May God grant strength to our other Sisters in the communities in the compound strength to continue serving the affected community,” anang madre.

Magugunitang una nang isinailalim sa lockdown ang kumbento dahil sa COVID-19 outbreak doon.

Samantala, nagbabala naman si Sr. Co sa publiko na mag-ingat sa mga mapagpasamantalang ginagamit ang pangalan ng RVM Sisters upang makapangalap ng pondo.

“The RVM Secretariat has received reports of solicitation of funds using our name. [It] was found out [that it was] a false account using the name of an RVM Sister. We ask our benefactors, alumni and friends who want to help to verify with the RVM Secretariat before they send any financial assistance,” pahayag pa ng tagapagsalita ng kongregasyon.