QCPDPS7

HOTEL GUEST TUMAKBO NG HUBO’T HUBAD!

February 23, 2023 Melnie Ragasa-limena 511 views

Nagpakilala pa bilang ‘Son of God’

SIR, magchecheck-out na po ba kayo?” Ito ang tanong ng empleyado ng hotel sa lalaking nagbukas ng pinto ng inuupahang silid. Ngunit imbes na sumagot, biglang naghubo’t hubad ang nasabing guest at nagtatakbo sa lobby.

Napatawag ng pulis ang mga kawani ng hotel sa Cubao, Quezon City nang magtatakbo ng hubo’t hubad ang ‘di pa nakikilalang lalaki sa nasabing establishment, Huwebes ng madaling araw.

Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Cubao Police Station 7, bandang 3:40 a.m. (Pebrero 23) nang maganap ang insidente sa Room 315, 3rd floor, Vista Hotel, sa EDSA South Bound, kanto ng P. Bernardo St., Brgy. San Martin De Porres, Cubao.

Batay sa imbestigasyon ni PSMS Jade Gavina, bandang 4 p.m. nitong Miyerkules (Pebrero 22), nag-check in ang suspek kasama ang isa pang ‘di kilalang lalaki sa hotel.

Makalipas ang 12 oras, pinuntahan ang silid ng suspek upang beripikahin kung magtse- check out na ito subalit biglang ngang naghubo’t hubad saka nagtatakbo sa paligid ng hotel.

Wala na rin sa loob ng silid ang lalaking kasamang nag-chek in ng suspek.

“Maya’t maya lumapit siya samin naka-hubo’t hubad so para maiwasang mapahiya siya or baka may pumasok na pamilyang may bata, pinipilit namin siyang pumasok sa gilid. Na parang sasaktan na niya sarili niya, di na namin maintindihan ang sinasabi niya,” ayon kay Jolly Arino, security guard ng hotel sa isang panayam.

Dahil dito, agad na nagpasaklolo ang hotel personnel sa mga pulis at opisyal ng barangay at inaresto ang suspek.

Nang abutan ng mga awtoridad, tila wala pa rin sa wisyo ang suspek at dahil walang nakuhang ID ang mga pulis ay tinanong kung anong pangalan nito pero sagot ng lalaki na siya daw si Son of God.

Nakasamsam ang mga awtoridad ng isang gramo ng shabu na umaabot sa halagang P6,800 sa lamesa sa nirentahang silid ng suspek.

Nahaharap sa kasong alarm and scandal at paglabag sa Sec. 11 (Possession of Illegal Drugs), sa ilalim ng R.A. 9165.