Ash Wednesday Taimtim na tinanggap ng Grade 1 pupil ng 5th district ng Maynila na si Maya Feliza Jane Reyes ang abo mula sa isang pari sa panunumbalik ng tradisyong Katoliko para sa Ash Wednesday, Pebrero 22, 2023. Kuha ni Jon-jon Reyes

Mga batang mag-aaral lumahok sa ‘Ash Wednesday’ sa Maynila

February 22, 2023 Jonjon Reyes 590 views

BILANG paggunita sa “Pasyon ni Hesus,” muling ibinalik ng Archdiocese of Manila ang paglalalagay ng abo na simbolong krus sa noo ng mga mananampalataya sa pag-obserba ng Ash Wednesday, Pebrero 22, 2023.

Maraming mga mag-aaral sa ikalimang distrito ng Lungsod ng Maynila ang tumanggap ng simbolong krus na abo bilang parte ng paniniwala at sa darating Kuwaresma.

Sa circular na may petsang Peb. 14, 2023, inatasan ng Archdiocese ang mga parokya at simbahan sa komunidad sa kanilang nasasakupan na ibabalik na ang dating paraan ng paglalagay ng abo sa noo ng mga debotong Katoliko.

Ipinahiwatig din ng Archdiocese na hindi hinihikayat ang paglalagay sa sarili ng abo.

“We receive ashes because the call to repentance is addressed to us by Christ through the Church, and it is also through the ministry of the Church that we are reconciled with God and each other,” saad sa circular.

Matatandaan na sa kasagsagan ng pandemiya dulot ng COVID-19, Marso 2020, naging alternatibong paraan ang pagwiwisik ng abo sa ulo ng mga Katoliko upang sundin ang mga protocol sa pag-iingat ng pagkalat ng virus.

Ngunit nang magsimulang bumaba ang mga kaso ng COVID-19 noong 2022, ang ilang simbahan ay nagsimulang bumalik sa kaugalian ng paglalagay ng abo sa noo.

Ngayong taon, sinabi ng CBCP (Catholic Bishops’ Conference of the Philippines) na hindi ito maglalabas ng parehong panuntunan para sa paggunita sa ginawang sakripisyo ni Hesus.

Sa halip, sinabi ni CBCP President at Caloocan Bishop Pablo Virgilio David na ipinauubaya na nila ito sa mga obispo kung may pangangailangan para sa mga tiyak na alituntunin patungkol sa liturgical celebration.

AUTHOR PROFILE