Default Thumbnail

Lalaki sa gf: P2 libo o post ko hubad pics mo?

February 23, 2023 Melnie Ragasa-limena 231 views

ARESTADO ang isang lalaki sa Quezon City matapos umanong humingi ng P2,000 sa kanyang nobya kundi ilalantad niya sa social media ang mga hubad na litrato at video nito.

Ang suspek na si Roland Guillen, ay inaresto ng mga operatiba ng Major Crimes Investigation Unit (MCIU) ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), sa isang entrapment operation sa isang mall sa Barangay Socorro dakong 7:45 p.m.

Ayon kay Lt. Col. Emerey Abating, hepe ng MCIU, dinakip si Guillen matapos na ireklamo ng kanyang 21-anyos na nobya ng kasong sextortion.

Aniya, pinagbantaan ng suspek ang kanyang kasintahan na ia-upload niya ang sensitibong mga larawan at video nito sa msocial media kung hindi siya bibigyan ng P2,000.

“Ipopost daw niya mga intimate pics daw namin pagka hindi ko daw siya binigyan ng pera tapos una pa niya ibibigay sa mga relatives ko,” pahayag ng suspek sa pulisya.

Una dito, nagkaroon umano ng pagtatalo ang dalawa matapos akusahan ni Guillen ang kasintahan na nakipagrelasyon sa ibang lalaki.

Sa isang panayam ay itinanggi ng suspek ang mga paratang sa kanya. Diumano ang hinihingi niyang pera ay kabayaran sa inutang ng biktima sa kaniya.

Inihahanda na ang kasong robbery with intimidation laban sa suspek.