Default Thumbnail

Higit P1B halaga ng pinsala naitala dulot ng masamang panahon

January 23, 2023 Zaida I. Delos Reyes 218 views

UMAKYAT na sa mahigit sa P1-bilyong piso ang halaga ng pinsala sa agrikultura at inprastraktura bunga ng walang tigil na pagbuhos ng ulan dahil sa epekto ng low pressure area (LPA), shear line, at northeast monsoon simula pa noong January 2, 2023.

Batay sa latest update na inilabas ng Office of Civil Defense (OCD) nitong Lunes (enero 23), umabot na sa P751.9 milyon ang pinsala sa Agrikultura ng masamang lagay ng panahon.

Ang mga pinsala ay naiulat mula sa Cagayan Valley, Central Luzon, Mimaropa, Western Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Davao Region, Soccsksargen, at Caraga.

Umanot naman sa P276.7 milyon ang naging pinsala sa imprastraktura sa Mimaropa, Bicol, Central Visayas, Northern Mindanao, Davao Region, Soccsksargen, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Nakapagtala din ang OCD ng 35 bilang ng taong nasawi dahil sa masamang panahon kung saan 19 sa mga ito ang kumpirmado na habang kinukumpirma pa ang iba.

Nasa 12 naman ang naiulat na nasugatan at pito ang nawawala.

Umabot na din sa 1,780 kabahayan ang nasira, 1,232 ang partially damaged, at 548 ang totally damaged.

Sa kasalukuyan, nasa 475,680 pamilya o 1,939,860 katao ang apektado habang nasaa 31,617 pamilya o 121,996 pamilya ang inilikas sa mas ligtas na lugar.