Default Thumbnail

Higit 6K OFWs apektado sa pagbawi ng lisensiya ng recruiter

February 11, 2023 Edd Reyes 665 views

NAGPAHAYAG ng pagkabahala ang Philippine Recruitment Agencies (PRA) sa ginawang pagbawi sa lisensiya umano ng ahensiyang nagpadala kay Jullebee Ranara na brutal na pinaslang ng anak ng kanyang amo sa bansang Kuwait.

Ayon kay Atty. David Castillon, abogadao ng PRA, hindi ang pagbawi lamang sa lisensiya ang kanilang ikinababahala kundi ang mahigit sa anim na libo pang overseas Filipino workers (OFWs) na naipadala ng isang recruitment firm sa Kuwait, pati na ang mga nakatakda na sanang umalis palabas ng bansa upang makapatrabaho.

Nilinaw din ni Castillon na labis nilang ikinalungkot ang nangyari kay Ranara kaya’t lahat aniya ng kinakailangang tulong at gastusin ng pamilya ay pinagkaloob nila upang kahit papaano ay maibsan man lamang ang kanilang pagdadalamhati.

Sa ngayon ay ikinokonsidera aniya nila ang pag-apela sa naging desisyon na bawiin ang lisensiya ng recruitment agency, kasabay ng panawagan na hindi makabubuti kung magpapadalos-dalos ang kinauukulan sa pagdedesisyon para na rin sa kapakanan ng mga maapektuhang OFWs.

Nauna ng “sinabon” ng mga mambabatas ang abogado ng PRA sa pagdinig ng Senado sa nangyaring brutal na pagkamatay ni Ranara bunga ng umano’y kawalan ng kakayahang i-monitor ang sitwasyon ng mga OFW na kanilang pinaalis.

Sinabi niya na mayroon talagang mga nakatalaga sa PRA na ang trabaho ay i-monitor lamang ang mga OFWs na kanilang napaalis dahil nakasaad ito sa batas bagama’t aminado siya na “imposibleng” ma-monitor ng 24/7 ang mga ito.

Aniya, nasa batas din na kailangang i-monitor ng Foreign Recruitment Agencies (FRA) ang mga naitalaga nilang migrant workers lalo na’t sila ang nasa tamang lugar upang mabilis nilang matukoy kung may kinakaharap na problema ang mga OFWs.

Nilinaw naman ni Atty. Castillon na hindi “masama ang loob” niya sa mga Senador dahil nauunawaan niya ang galit na naramdaman ng mga mambabatas at umaasa siyang makakalikha ng batas upang mapalakas pa ang kasalukuyang bilateral agreement sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at ng mga bansa sa Gitnang Silangan na magbibigay ng ibayong proteksiyon sa mga Pilipinong manggagawa sa ibang bansa.

Nagpaabot din ng pasasalamat si Castillon sa Department of Migrant Workers (DMW) dahil sa malawak na pang-unawa sa kalagayan ng mga OFWs at mabilis na pag-aksyon sa kinakailangang tulong.

AUTHOR PROFILE