Default Thumbnail

Higit 1K pamilyang nasunugan sa Sta. Cruz inayudahan

May 18, 2023 Edd Reyes 130 views

NANGUNA sina Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo Nieto sa pamamahagi ng tulong pinansiyal sa mahigit isang libong pamilyang naapektuhan ng malaking sunog na naganap sa Oroquieta Street sa Sta. Cruz, Maynila noong Linggo ng umaga.

Kasama ni Mayor Honey at Vice Mayor Nieto sina 3rd District Congressman Joel Chua at Manila Department of Social Welfare (MDSW) Director Asuncion “Re” Fugoso sa pamamahagi ng P10,000 cash sa may 1,218 pamilya at P3,000 sa 63 indibidwal na walang pamilya na ginanap sa P. Gomez Elementary School sa may P. Guevarra St., Sta Cruz.

“Ipagpaumanhin po ninyo kung dito po kayo pinapunta dahil napakarami po ninyong naapektuhan ng sunog. Nakakalungkot po talaga dahil ngayon pa lang tayo bumabangon, tapos tatamaan pa tayo ng ganitong klase ng trahedya,” pahayag ng alkalde sa kanyang pagsasalita.

“Pagdamutan po ninyo ang aming munting nakayanan, Hayaan n’yo po, kapag mas nakakaluwag-luwag po tayo uli, sana, makatulong kaming muli sa inyong barangay,” dagdag pa niya.

Nagpaabot din ng taos-pusong pakikiramay ang alkalde sa pamilya ng dalawang indibidwal na nasawi sa nangyaring sunog na tumupok sa mahigit 400 kabahayan.

“Sa mga nasunugan po, lalong-lalo na yung mga nawalan ng mahal sa buhay, ang amin pong taos-pusong pakikiramay, muli po lagi ninyong tandan, babangon, at babangon po kayo, kasama po kami,” pahayag ng alkalde.

AUTHOR PROFILE