Golf laro ng mayaman

June 9, 2021 Allan L. Encarnacion 462 views

Allan EncarnacionNOONG mga early 2000, sinubukan ko rin maglaro ng golf.

Kasama ko ang mga broadcaster na sina Rene Jose, Joel Reyes Zobel, Orly Trinidad ng DZBB at Ely Saludar ng DZXL. HIndi ko matandaan kung nagsimula ring magkainterest noong mga panahong iyon sina Anthony Taberna at Gerry Baja na champion lang sa tumbang preso at luksong baka.

Si Ely dati na atang golfer pero kami nila Rene, Joel at Orly, totally walang alam sa golf noong mga panahong iyon. Nagbayad pa kami ng mga pro o iyong mga magtuturo sa amin dahil nga sa kakukulit ng mga kaibigan na isama ako sa golf.

Bumili pa ako ng golf set noon dahil nga parang desidido na akong sumama sa mga mayayamang golfers!

Matapos ang ilang practice sa driving range sa Quezon Avenue na Centris na ngayon, nagkakayaan na kaming maglaro sa Veterans Golf Course. 6:30 a.m. ang tee-off. Doon ko nalaman na magastos pala ang paglalaro ng golf. Parang noong mga panahon iyon ay P900 or P1,200 lang ang green fee.

Depende sa iyo kung kukuha ka ng caddy, umbrella girl at aarkila ka ng golf cart. Parang ang caddie may tip na P500, ang umbrella girl mas mataas na konti, parang P700 or P1,000.

Iyong caddie, siya magbubuhat ng mabigat mong golf set habang naglalaro at siya na rin taga-setup at taga-hanap ng bola mo kapag nawala sa paghataw. Iyong umbrella girl naman, taga-payong mo kapag mainit o kapag umuulan. Kung type mo, puwede ring tagapunas ng pawis mo!

Eighteen holes ang karaniwang laro ng golf kaya kung 7 a.m. kayo magsimulang maglaro, ang average na tapos niyan ay mga 11 a.m. Pero sa 9th hole, titigil kayo para mag-snack. Ang average na meryenda kung ikaw mag-isa, mga P400 siguro. Kung sobra budget mo, puwede mong ilibre ang mga ka-flight mo.

Umaambon, minsan lumalakas ang ulan kaya kailangan mo rin ng golf shoes na may spikes para hindi ka madulas sa grass. Ang average price ng golf shoes,baka mga P3,000, mumurahin lang yan para sa starter pero may mga sapatos na umaabot ng P15,000. By the way, iyong pro na nagturo sa akin ng golf, binayaran ko pa pala ng P7,000 noong mga panahong iyon.

Si Rene Jose, hindi nagpatuloy sa golf pero tuluy-tuloy ang “gulp” o toma. Sina Joel at Orly, nagpatuloy pa rin hanggang mabalitaan ko na lang na parang mga professional na maglaro at lumalaban na sa pinakamahusay sa amin na si Arnold Clavio ng DZBB at GMA 7. Si Ely, dati naman nang magaling sa golf.

Ako naman, matapos ang isa o dalawang fairway, tumigil na ako sa golf dahil mukhang hindi ko talaga cup of tea ito. Kapag tinatanong ako ng mga kasabayan ko sa golf kung bakit ako tumigil, sabi ko hindi ko nagustuhan ang laro.

Ito iyong mga dahilan ko sa kanila: una, mahal din pala maglaro ng golf, pangalawa, sabi ko, parang pinahihirapan ko lang ang sarili ko kasi, papaluin mo sa damuhan, matubig at mapunong lugar ang bola na pagkaliit-liit tapos hahanapin mo rin pala, pangatlo, ipipilit mong ipasok sa butas na maliit ang bola, tapos kahit umuulan or sobrang init, walang ayawan, tapos, habang naglalaro ka, titigil sa 9th hole para kumain kaya pala ang daming golfers na malalaki ang tiyan (hindi naman lahat). May mga golfers na masipag maglakad sa course pero marami rin ang mas gustong nakasakay sa golf cart kapag lilipat ng holes.

Pero sabi nila, ang golf ay laro ng mga taong matiyaga at mahaba ang pasensiya. Kasi bukod sa 18 holes, may isa o dalawang “ass hole” ka na makakalaro na susubok sa iyong tiyaga at pasensiya. Susubukin din ang iyong pagtitimpi kasi minsan, may mga umbrella girls na bukod sa attractive, masyado pang malambing kasi habang inaasinta mo ang bola, inaasinta ka rin pala niya.

Hayun, ang ending, tinigilan ko na ang golf, balik ako sa paglalaro ng siyato!

Hindi naman sa pagmamayabang pero parang ganoon na rin, kung nagpatuloy ako sa paglalaro ng golf, baka nauna pa sana akong nagkampeon at nakapag-uwi ng US$1.5M kaysa kay Yuka Saso!

Kidding aside, ikinararangal natin ang ating kababayang gumawa ng pangalan sa larangan ng golf. Congratulations kay Yuka Saso na kauna-unahang Filipino player na nagwagi sa ganitong klase ng US women’s major golf tournament!

Fore!

allanpunglo@gmail.com