Gelli, Carmina, Janice at Candy

Gelli, Carmina, Janice at Candy, nag-iyakan sa preskon

January 13, 2024 Ian F. Fariñas 138 views

HINDI naiwasang maging emosyonal nina Janice de Belen, Gelli de Belen, Camina Villarroel at Candy Pangilinan nang balikan ang tindi ng kanilang mga pinagdaanan bilang magkakaibigan sa grand mediacon ng kauna-unahan nilang movie together, ang Roadtrip, na dinirek ni Andoy Ranay para sa Viva Films.

May kinalaman sa pagdadamayang ginawa nila sa isa’t isa nang mawalan ng kanya-kanyang mahal sa buhay ang kwentong nagpaiyak kina Janice, Gelli, Carmina at Candy sa Q&A portion.

“Sabi ko mas maganda, eh, pinapaiyak n’yo ‘ko,” hirit ni Mina sa co-star-friends habang nagpupunas ng luha sa harap ng entertainment press.

Kwento ni Direk Andoy, si Candy mismo ang nag-pitch sa kanya ng concept ng Roadtrip noong kasagsagan ng Covid-19 pandemic.

Aniya, marami silang pinagdaanan noong panahong iyon dahil sa iba-ibang schedule.

Isa pa, na-lockdown si Gelli kasama ang kanilang pamilya ni Ariel Rivera sa Canada kaya hindi agad natuloy ang project.

Nilinaw din niya na although ikalawang salvo ng Viva ang Roadtrip ngayong 2024 (after My ZomBabe nina Kim Molina and Empoy Marquez), wala talaga sa plano na i-submit ang proyektong tungkol sa friendship sa katatapos na Metro Manila Film Festival (MMFF).

Nang tanungin si Candy kung bakit roadtrip ang naisip niyang konsepto para sa pelikula nilang magkakaibigan, sinabi niya na dahil tungkol ito sa journey nila as a group at journey na rin ng bawat isa sa kanila.

Ibabalik umano ng pelikula ang mga manonood sa isang trip down memory lane para maalala ang masasayang panahon kasama ang pinakamatatalik na kaibigan.

Ang Roadtrip nga ay isang friendship dramedy movie tungkol sa apat na magkakaibigan na muling magkakasama-sama at sabay-sabay na pupunta sa isang kaibigan.

Si Janice ay gaganap na Gigi, isang writer na likas na mabait, people pleaser, tahimik at matulungin. Si Gelli naman si Maricar, isang events planner na laging umiiwas sa maraming tanong ng mga tao. Si Carmina si Chiqui, isang artista mula sa isang mayamang political family na nakapangasawa rin ng politiko. Kahit mayaman at mukhang kayang gawin ang anumang gusto, kontrolado pa rin ng mga magulang ni Chiqui ang mga desisyon niya sa buhay.

Lastly, si Candy ay si Sophia, isang babae na laging busy at maraming pinagkakaabalahan – mula sa pagiging businesswoman, vlogger, construction firm manager at tagapangalaga ng pamilya. Mukha siyang bossy at arogante pero lagi siyang handang tumulong sa nangangailangan.

Sasagutin ng pelikula kung paano sila makakasabay sa pagbabago ng bawat isa at kung paano nila haharapin ang mga pagsubok ng pagkawala ng isang kaibigan.

Showing na ang Roadtrip sa mga sinehan nationwide simula January 17. Kasama rin sa cast sina Christian Vasquez, JC Tiuseco, John Lapus, Ethan David, Abby Bautista, Ashtine Olviga, Yumi Garcia, Heart Ryan at Jastine Lim.

AUTHOR PROFILE