Gary

Gary V tuloy ang hataw sa MOA concert

March 18, 2024 Ian F. Fariñas 99 views

OPISYAL na inanunsyo ni Gary Valenciano ang upcoming project na Pure Energy: One Last Time nu’ng Disyembre 21, 2023 sa pamamagitan ng isang simpleng post.

Marami ang na-excite at marami rin ang nagbalik-tanaw na mga tagahanga at industry insider. Magpapasilip si Gary ng significant shift sa apat na dekada niyang karera at mangyayari ito sa SM Mall of Asia Arena (MOA) sa Abril 26 at 27.

Sa nakalipas na apat na dekada, katumbas ng pangalan ni Gary ang chart-topping hits, high-energy performances at walang katulad na kakayahang kumunekta sa mga manonood here and abroad.

Nabiyayaan si Gary na magtanghal sa pinakamalalaking entablado sa mundo, mula sa Luneta Grandstand kung saan humigit 500,000 ang nanood hanggang sa Tamar Site sa Hong Kong, kung saan nag-perform siya sa Hong Kong Harbor Music Festival nu’ng 2003.

Minarkahan ni Gary ang 100th solo show sa Music Museum last year sa matagumpay na sold-out at 10-night concert series na Gary V: Back At The Museum.

Mula sa initial run na apat na shows nu’ng Agosto 2023, dalawang beses itong na-extend.

Nakakuha rin siya kamakailan ng multiple standing ovations sa jampacked North American tour.

Marami ang nag-isip na magreretiro na si Gary dahil sa titulo ng upcoming MOA concert. Pero paglilinaw niya, hihinto lamang siya sa pagbibida sa solo shows sa higanteng venues, hindi mawawala ang kanyang pagmamahal sa musika at pagtatangghal.

Katunayan, magpe-perform pa rin siya sa malalaking venues kapag may kasamang ibang artists.

Hindi rin mag-i-slow down si Gary. Kapapanalo lang niya ng GEM Awards bilang Best TV Host para sa kanyang kuntribusyon bilang isa sa major music pillars ng ABS-CBN.

Aktibo pa rin siya sa ASAP Natin ‘To tuwing Linggo sa ABS-CBN. Bilang mentor, naging judge at coach ang 12-time Awit Awards Best Male Recording Artist recipient sa The X-Factor Philippines, Your Face Sounds Familiar, It’s Showtime’s “Tawag ng Tanghalan” at Idol Philippines.

Kaya hindi goodbye ang Pure Energy: One Last Time. Ito ay isang transition. Mamarkahan nito ang huling beses na magtatangghal siya ng concert na ganito kalaki para ibalik ang biyaya sa mga mas maliit na venue at fundraisers.

Sa recent Instagram post, binahagi ni Gary na, “I’m celebrating 40 years of doing what I’ve always loved most. And with gratitude in my heart for the One source of Pure Energy, I look forward to the new chapters, seasons, beginnings, and horizons that lie ahead. It’s time… Let’s Go Big… ONE LAST TIME!!!”

Ihahain ni Gary sa Pure Energy: One Last Time ang kanyang signature hits at fan favorites mula sa stage direction ng anak niyang si Paolo Valenciano at musical direction ni Mon Faustino.

Ang proceeds nito ay para sa benefit ng Shining Light Foundation.

AUTHOR PROFILE