Default Thumbnail

Eudaimonia ni Plato

October 7, 2022 Magi Gunigundo 461 views

Magi GunigundoSI Plato, ang Griyegong pilosopo na naging estudyante ni Socrates at naging guro naman ni Aristotle, ay may apat na malalaking ideya para maging ganap ang buhay ng isang tao o “Eudaimonia” sa wikang Griyego. Sa aking pananaw , nanatiling makabuluhan ang mga ideyang ito magpasahanggang ngayon.

Una, gamitin ang utak sa pag-iisip. Ugaliin ang pagsusuri ng sarili upang hindi mapagharian ng simbuyo ng damdamin o kapusukan na hindi inaalintana ang kahihinatnan ng ginagawa. Bilang mga homo sapien, mas higit na pangibabawin ang lohikal at maingat na pag-iisip sa mga pasya at kilos natin.

Mahirap mag-isip kaya maraming mga Pilipino ang nagpapatangay sa popular na opinyon na puno ng mga pagkakamali, pagkiling at mga maling pamantayan sa buhay na kinakalat ng mga troll. Halimbawa, ang batas ay pinapahalagahan ang buhay ng tao. Karumal-dumal na krimen ang pumatay ng tao. Ngunit lumalabas na pabor ang maraming Pilipino, sa kabila ng pagiging Kristiyano o dahil kaya sila ay Kristiyano, sa extrajudicial killings(EJK) na pinatindi ng anti-drug war ng nakaraang administrasyon. Nabuo ang popular na opinyon na tanda ng magaling na lider ang magpapatay ng mga pasaway na salot ng lipunan kahit walang death penalty sa bansa, at ang paggalang sa mga karapatan ng isang tao ay tanda ng kahinaan ng pinuno.

Ikalawa, hayaan mong baguhin ka ng iyong hinahangaan na modelo ng kabutihang asal at tamang pamantayan. Kailangan pa rin gamitin ang utak, hindi lamang puso, sa pagpili ng hahangaan at mamahalin. Isa sa pinakamahalagang pasya na gagawin ng tao ang pagpili ng kanyang mapapangasawa. Hindi puedeng ang pinili lang ng puso ang paiiralin. Wala pang diborsyo sa Pilipinas. Ang kasal ay permanenteng relasyon at mahirap makalabas dito kung nagkamili ng taong pinakasalan. Noon una, matamis ang suyuan at romansa. Pagtagal-tagal, maglalaho na ang balatkayo at ang tunay na ugali at bisyo ang magpapaasim ng relasyon. Imbes na ligaya, dusa at lungkot hinangtungan. Sana ay hindi ninyo sapitin ang nangyari kina Marivic at Ben Genosa ( People v Genosa , Jan 2004) kung saan unang tinalakay ng hukuman ang Battered Woman Syndrome na ginamit na depensa ni Marivic sa pagpatay kay Ben pagkatapos ng maraming taon ng pangbubugbog at pang aabuso sa kanya.

Ikatlo, pagbulayan ang mensahe ng kagandahan. Ang magagandang bagay ay bumubulong ng mahahalagang katotohanan sa atin tungkol sa estado ng isang magandang buhay. Maganda ang isang bagay kapag nakikita natin sa mga ito ang mga katangiang kailangan natin ngunit wala sa ating buhay tulad ng kahinahunan, pagkakaisa, balanse, kapayapaan at lakas. Ang kapangitan ay nagpaparada ng mga mapanganib at sirang katangian. Lalong humihirap makamit ang pagiging matalino, mabait at mahinahon marahil dahil pinapatibay ng pangit ang ating bisyo at karupukan. Ang sining ay “therapeutic” at binubusog nito ang ating mga kaluluwa. Tungkulin ng mga makata, pintor, eskultor, nobelista, producer ng tv, direktor, scriptwriter na lumikha ng sining na kapupulutan ng tamang pamantayan para matulungan tayong mamuhay ng maayos. Wala naman masamang kopyahin ang istilo at istratehiya ng mga Koryano sa k-drama at ng mga Bumbay sa Bollywood para mabago ang nakakabagot,mabagal,palasak at lumang naratibo ng mga paksa at kwento ng pelikulang Pilipino.

Ikaapat at huli ang reporma sa lipunan. Ang demokrasya ay nag umpisa sa mga Griyego. Isang mamamayang Griyego , isang boto. Dapat munang mabigyan ng tamang edukasyon ang mga Griyego bago sila pahintulutang bumoto muli.

Sinabi rin ni Plato na dapat mag-ingat sa mga masasamang bayani at mga bantog na tao na ginagawang glamoroso ang mga depekto at kahinaan ng karakter ng tao. Ginagawa nilang maganda ang mali at pinapapangit ang tama. Naiimpluwensyahan ng mga kilalang tao ang ating pananaw, ideya at pag-uugali. Kanya nga ginagawa silang endorser ng iba’t ibang mga produkto at serbisyo.

Marami pang gagawin ang mamamayang Pilipino bago makamit ang Eudaimonia ni Plato.

AUTHOR PROFILE