Epileptic inatake habang naliligo sa creek, nawala

August 16, 2022 Melnie Ragasa-limena 126 views

PINAGHAHANAP ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang 12-anyos na batang lalaki na naiulat na nawawala matapos maligo sa isang creek kasama ang kanyang mga kaibigan, ngunit nalunod sa kasagsagan ng malakas na ulan Lunes sa Quezon City.

Ang biktima ay residente ng Brgy. Pinyahan, QC.

Batay sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), dakong 2 p.m. nang magtungo si Flores at ang kanyang mga kaibigan sa creek sa naturang barangay upang maligo.

Gayunman, habang naliligo sila ay biglang bumuhos ang malakas na ulan kaya’t nagpasiya ang mga ito na magsiahon na dahil lumakas ang agos ng tubig.

Ayon sa lola ng biktima, isa sa mga kaibigan ni Flores ang nakakita sa biktima na tila sinusumpong ng epilepsy hanggang sa tuluyan na itong tangayin ng malakas na agos ng tubig at mawala sa kanilang paningin.

Kaagad namang nagkasa ng search and rescue operation ang mga tauhan ng Special Operations Force ng PCG at sinuyod ang creek ngunit hindi nila natagpuan ang paslit.

Maging ang daluyan ng tubig ng creek sa Mother Ignacia Avenue at Quezon Avenue ay sinuyod na rin umano nila ngunit bigo pa rin silang makita si Flores.

Pagsapit ng hatinggabi ng Lunes ay napilitan ang mga otoridad na itigil na ang paghahanap sa bata at ipinagpatuloy na lamang nitong Martes ng umaga.