Default Thumbnail

‘Epal na, kapalmuks na, zumba pa’

October 12, 2023 Joey C. Papa 273 views

JoeyGANYAN ang sinabi sa akin ng isang residente ng isang barangay sa QC. “ Epal na kapalmuks pa ang mga kandidato sa halalang pambarangay kahit nga sa pambansang halalan ay nangyayari din ito.”

Ayaw niyang ipabanggit ang pangalan niya para sa kaligtasan niya at ng kanyang pamilya. Maraming pinapatay ngayon ‘umano ng mga kandidato. Pambarangay pa lang yan, aniya.

Mayroong anti-epal campaign ang Comelec laban sa mga kandidato ng

Nasusunod kaya ang anti-epal campaign na ‘to?

Sa mga nababasa ko sa ulat ay tila may lima pa lang kandidato na kakasuhan ng premature campaigning. Ayon sa Comelec, kahit manalo ang mga ito ay itutuloy pa rin ang mga kaso laban sa mga “epal.”

Paano naman ‘ika niya ang mga “kapalmuks” na bago pa maghalalan ay di na ginagampanan ang mga tungkulin nila sa barangay.

Pabandying-bandying, papetiks-petiks na lang. Dedma sa dapat nilang gawing trabaho.

Mahirap nga ‘yang sistemang komite na yan na kunwa’y hati-hati sila ng trabaho. Hindi na nagagawa ang gawaing pangkomite nila, hindi pa rin maasahan sa ibang pangangailangan ng barangay,

Nagtuturuan sila! “Tuloy yung mga nag-iinuman sa isang kanto ng kalsada sa isang barangay ng QC na mga trike drivers, ang lalakas ng halakhak sa kalye. At ginagawa ang inuman sa katanghaling tapat.

Ang pakiramdam nila ay sila ang hari ng barangay at takot sa kanila ang pinuno ng barangay dahil ang mga kamag-anak nila ay sasabihan nilang iboto ang punong barangay na ito na tatakbo muli ngayon!

Ang siste, ang mga kasapi ng mga lasenggo o kapatomasigmatumba ay hindi man lang residente ng barangay. Mga dayo ‘ika nga bilang mga tsuper ng motor trike na ang mga mga operator ay hindi rin tiyak kung mga residente ng barangay.

‘Yan ang kapalmuks! Mga pinunong barangay at mga lasenggo sa kalsada na tila may “pinag-usapan” na hindi alam ng mga residente ng barangay!

The making of a trapo {traditional politician}!

Sa Zumba nga lang magaling at sa pagkokolorete daw ng mga mukha. “Kapalmuks” nga daw kaya pala “kap” ang tawag sa kanila!

Hindi lang si kap ang tinutukoy ko kundi maging ang mga kagawad na tila mga ambassador na padalaw-dalaw na lang sa barangay hall!

Gayong ang liit lang naman ng barangay, hindi pa nila maasikaso ang pangangailangan ng mga residente ng barangay.

Ang pangyayaring ito ay hindi lang nagaganap sa isang barangay. Alam nating lahat ito.

Katulad ng pagpapatupad ng mga No Parking sa mga kalsada ng barangay, bakit malalakas ang mga negosyante kay kap? No illegal parking, No illegal garaging ngunit nakapaparada, nakagarahe pa rin ang mga sasakyang sobra-sobrang pag-aari ng mga iresponsableng residente, nangungupahan o mga bisita lamang ng barangay.

Two car garage ang bahay pero lima ang sasakyan! Saan ngayon paparada, gagarahe ang mga ito? Natural sa kalsada na pag-aari ng estado, gobyerno.

Ang pag-aari lamang nila o nakasulat sa titulo nila ay hanggang gate lang nila ang property nila! Ngunit ginawa na nilang garahe ang kalsada na dapat ay maluwag na dinadaanan ng mga sasakyan patungo sa iba pang lansangan ng kalunsuran.

Kadalasang mga nangyayari sa mga sunog ay ang hirap na pagdaan ng mga trak ng bumbero sa pinangyayarihan ng sunog. Paano nga ay makitid na ang mga kalye, pinakitid pa ng mga nakagaraheng sasakyan ng mga iresponsableng mga residente o nangungupahan. Nakagarahe sila ng halos isang linggo o mahigit pa.

Dapat nang itigil ang mga masamang gawaing ito sa barangay. Hindi ko alam kung bakit nagpapatuloy ito .May naganap nga bang pag-uusap?

Mahirap pumili ng iboboto ngayon pero sikapin pa ring humanap ng isang tapat na lider na hindi lasang pera ang bunganga. Yung mga kandidato na sa panahon ng eleksyon ay pupunta sa kabahayan na halos mawarak na ang bibig sa pagngiti ngunit pagkaraan ay di na tayo kilala. Di na mahingan ng tulong.

Sumasaludo pa rin ako sa mga pinuno ng barangay na tunay at tapat ang paglilingkod sa barangay nang walang pag-iimbot at hindi kulay pera ang mga mata. {[email protected]}

AUTHOR PROFILE