Default Thumbnail

Marcos pogi sa dalawang survey

October 12, 2023 Mario Fetalino Jr. 213 views

Mario FetalinoMALIPAT naman tayo sa mga survey na ginawa ng Social Weather Station (SWS) at The Center.

Ayon sa SWS, tumaas ang bilang ng mga Pilipino na nagsasabing gumanda ang kalidad ng kanilang pamumuhay sa unang taon ng panunungkulan ni President Ferdinand Marcos Jr.

Base sa survey na ginawa mula June 28 hanggang July1 ngayong taon, tumaas sa 33% mula 29% ang nagsasabing umangat ang kanilang pamumuhay sa loob ng nakalipas na isang taon.

Samantala, ipinahiwatig rin ng survey na bumaba ang bilang ng mga Pilipino na nagsasabing lumala ang kanilang pamumuhay.

Ipinakita ng survey na mula 25% ay 22% na lamang ang mga Pilipino na naniniwalang ang kanilang pamumuhay ay lalung sumama.

Sa kabilang dako, sinabi naman ng The Center na mataas pa rin ang kumpiyansa ng mga Pilipino kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Base sa survey nito para sa 3rd quarter, napag-alaman na 82% sa mga tinanong na Pilipino ang tiwala kay Marcos bilang lider ng bansa.

Lumalabas sa survey na may kinalaman ang mainam na pagharap ni Marcos sa mga hamon na dinaranas ng kanyang administrasyon.

**

Nakahanda naman ang gobyerno na ilikas ang mga overseas Pilipino workers (OFWs) sa Israel sakaling lumala ang giyera doon.

Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), preparadong lumipad ang mga C130 at iba dambuhalang eroplano ng hukbong sandatahan para mailipat sa ligtas na lugar ang mga apektadong OFWs.

Ito ay base na rin sa utos ni Pangulong Marcos na walang humpay na nakaantabay sa nangyayari sa Israel-Hamas conflict.

‘Yun nga lang, sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na hindi pa sapat ang dahilan upang isagawa ang paglilikas.

Ipinaliwanag ng DFA na kailangan munang umabot sa Alert 4 ang sitwasyon sa Israel bago simulan ng gobyerno ang rescue operation ng AFP.

Sa ilalim ng Alert 4 ay wala nang kontrol ang pamahalaan ng Israel sa mga kaguluhan na nagaganap sa bansa at todo na ang pagsiklab ng giyera.

Sa kasalukuyan ay nasa kamay pa ng Israel ang lahat ng mga kaganapan at nananatiling nasa itaas ang pamahalaan nito.

Kaya pa ng Israel na pangalaan ang kapakanan ng mga naninirahan sa kanilang bansa maging kanilang mamamayan o dayuhan, ayon sa spokesperson ng Israel Military.

**

For comments, please call or text 09569012811 or email [email protected]

AUTHOR PROFILE