Default Thumbnail

Eleazar, Ejercito, Tulfo mga tapat na serbisyo publiko

May 4, 2022 Vic Reyes 314 views

Vic ReyesDAHIL sa pinaigting na kampanya ng gobyerno laban sa mga ipinagbabawal na gamot, kabilang na ang marijuana, hirap na ngayon pati mga nagtatanim nito bansa.

Kaya naman pala pati Espanya sa Europa ay pinanggagalingan na ng tinatawag na kush.

Maliban sa popular na shabu, ang tinatawag na “poor man’s cocaine,” ang kush o marijuana ang isa sa mga paboritong gamit ng mga adik sa ating bansa.

Kamakailan nga ay nakasakote ang mga taga-Bureau of Customs (BOC) sa Port of Clark sa Pampanga ng 231 grams ng marijuana na nagkakahalaga ng P392,700.

Nagmula sa Madrid, Espanya, ang unang kargamento na naglalaman ng kush o marijuana ay dumating sa Port of Clark noong Marso 27, ayon sa Customs Bureau.

Ang pangalawang shipment, na galing naman ng Barcelona, Spain, ay dumating sa Clark noong Abril 3.

Ang mga kargamento ay naka-address sa mga consignee sa Quezon City at Marikina City.

Nadiskubre ng mga tauhan ng Port of Clark ang mga kontrabando na nakalagay sa limang pouches nang idaan nila sa scanning machines ang dalawang shipment.

Ang mga kontrabando ay agarang ibinigay ng mga tauhan ng BOC-Port of Clark sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) “for proper disposition.”

Another good job, mga bossing diyan sa Port of Clark.

****

Matatapos na sa Sabado, May 7, ang 90-day election campaign period para sa May 9 presidential, congressional, regional at local elections.

Bawal ng mangampanya ang mga kandidato pero marami rin, lalo na sa mga lokal na kandidato, ang palihim na magbahay-bahay kapag gabi.

Sa totoo lang, sa gabi ng May 7 at 8 ay maraming botante ang magpupuyat dahil maghihintay sila ng mga kandidatong magbibigay ng tinatawag na “last minute” na ayuda.

Pero sa dalawang gabing ‘yan sigiradong magbabantayan ang mga magkakalaban na kandidato para huwag makapamudmod ng “ayuda” ang mga taga-sunod nila.

Kahit hindi aminin ng mga kinaukulang otoridad, ito talaga ang senaryo sa maraming lugar sa bansa, lalo na sa mga probinsya, dahil malala na nga ang vote-buying o vote-selling dito sa atin.

Mahirap kasing magpakulong o manghuli man lang ng mga vote-buyer o vote seller dahil walang aamin na lumabag sa Omnibus Election Code ng bansa.

Sa ilalim kasi ng batas, parehong makukulong ang bumili o nagbenta ng boto.

Pero naniniwala tayo na makakahuli rin ang mga otoridad ng mga lumalabag sa ating mga batas sa tulong ng mga taong gustong wakasan na ang pagnanakaw sa gobyerno.

Ayon sa mga taong ayaw ng katarantaduhan, hangga’t nananalo ang mga namimili ng boto ay hindi mawawala ang pagnanakaw sa gobyerno.

Babawiin ng mga vote-buyer ang ipinambili nila ng boto kapag nakaupo na sila sa gobyerno.

***

Ipanalangin natin na ang mga matitinong kandidato ang siyang manalo sa darating na eleksyon.

Alam naman ng mga botante, lalo na ng mga ordinaryo at mahihirap na kababayan natin, kung sinu-sino ang mga karapat-dapat na tawaging lingkod-bayan.

Kabilang na sa mga napupusuang magbibigay ng tapat na serbisyo publiko sina dating PNP chief, Gen. Guillermo Lorenzo T. Eleazar; dating senador JV Ejercito; at idol Raffy Tulfo.

Sina Diokno, Eleazar, Ejercito at Raffy ay naghahangad maging miyembro ng Senado.

Marami ang naniniwalang malaki ang pag-asang maging senador nina Eleazar, Ejercito at Tulfo dahil walang maipipintas sa kanila kung ang pag-uusapan ay katapatan sa serbisyo.

Sa kanila, ang serbisyo publiko ay dapat seryosohin ng mga opisyal at tauhan ng gobyerno.

Hard-earned money ni Juan dela Cruz ang bumubuhay sa pamilya ng isang lingkod-bayan.

Marapat lamang na pagsilbihan ng tapat ang taumbayan, lalo na ang mga mahihirap, dahil sila ang nagpapakain sa mga kawani ng gobyerno.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: [email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE