Default Thumbnail

PULIS NAPATAY NG ANAK, 7

April 29, 2024 Alfred P. Dalizon 107 views

ISANG pulis ang nabaril at napatay ng kanyang sariling 7-anyos na anak sa loob ng kanilang bahay sa Sagay City sa Negros Occidental noong Sabado ng hapon.

Nasawi dahil sa tama ng isang bala mula sa kanyang Philippine National Police (PNP)-issued 9mm pistol ang 44-anyos na biktimang police staff sergeant na nakatalaga sa Sagay City Police Office.

Ang malagim na insidente ay nangyari sa loob ng pamamahay ng biktima sa Barangay Andres Bonifacio sa Sagay City dakong alas-1 ng hapon.

Sa kanyang pahayag sa mga imbestigador, sinabi ng live-in partner ng biktima na bago ang pamamaril, nag-away sila ng pulis dahil nagselos umano ito dahil sa dami ng kanyang mga TikTok followers.

Sinabi ng babae na ang kanilang pagtatalo ay nasaksihan ng batang akusado at ng kanilang adopted son na may edad na 12-anyos.

Nang pumasok sila sa kanilang silid, patuloy ang palitan ng maaanghang na salita ng dalawa na tuluyan nang nagkapisikalan, dahilan upang kuhanin ng bata ang Glock 17 semi-automatic pistol ng kanyang ama at paputukan ang ama na tinamaan sa leeg.

Nakuha umano ng paslit ang baril na itinatago ng kanyang ama sa isang kahon sa kanilang kuwarto.

Dinala naman sa pangangalaga ng Women and Children’s Protection Desk ng Sagay City Police ang bata. Ayon sa ina ng bata, madalas siyang sinasaktan ng biktima dahil sa selos na posibleng tumatak sa isip ng kanyang anak.

Kaugnay nito, agad namang iniutos ng PNP ang pagsasagawa ng full-blown investigation sa insidente.

Ang babae at ang dalawang bata na pawang tinuturing na “persons of interest” at ang biktima ay isinailalim na sa paraffin test upang matukoy kung sino talaga sa kanila ang nagpaputok ng baril.

Isinailalim din sa isang otopsiya ang katawan ng biktima bunsod ng isinasagawang masusing imbestigasyon.

Pansamantalang itinalaga sa pangangalaga ng lokal na Department of Social Welfare and Development and bata, sinabi sa ulat ng Police Regional Office 6. \

Kasalukuyan pang iniimbestigahan ang naganap na pamamaril na ikinasawi ng naturang pulis. Ni ALFRED DALIZON & ZAIDA DELOS REYES

AUTHOR PROFILE