Default Thumbnail

Ease of doing business

February 23, 2023 Marlon Purification 316 views

Marlon PurificationMARAMING negosyante ang nag-iiyakan hanggang ngayon dahil sa ginawang pagsalakay ng Bureau of Customs (BOC) sa 24 na bodega sa Malabon at Maynila kamakailan.

Ang masaklap pa, halos nalugi na ng mahigit sa P150 million halaga ang agricultural products na nasa kanilang mga bodega ay pinagmukha pa silang smugglers sa mata publiko.

Bago po tayo ma-misinterpret ni BOC Commissioner Bienvenido Rubio, gusto kong linawin na hindi agad natin kinakampihan ang mga may-ari ng warehouse. Kung talagang sangkot sila sa smuggling ay dapat lang talaga silang kasuhan at dapat pa ay ikulong agad-agad.

Kaisa po tayo ng BOC sa paglaban kontra katiwalian.

Kaya lang, ang nakikita nating problema rito ay nasa labas na ng Customs ang mga naturang kontrabando.

Ibig sabihin, hindi ito makalulusot sa Customs – lalo kung talagang mga illegal at smuggled products nga! – kung walang proteksiyon mismo sa loob ng BOC.

Hindi ba mas tamang sistema na huwag na silang palusutin pa sa pantalan para wala nang makitang mga ‘smuggled items’ sa merkado?

Ang ugat o pinagmumulan ng krimen ng smuggling ay sa BOC mismo kaya mas angkop na pagtuunang pansin ang mahigpit na pagbabantay, pag-iinpeksiyon at masinsinang pag-aresto sa mga gumagawa ng kabalbalan sa Customs.

Ang masaklap pa, ayon na rin sa mga nakarating na sumbong sa inyong lingkod, karamihan sa mga ipinasarang bodega ay may mga sapat na dokumento, import permit at kung anu-ano pang papeles na nagpapatunay na legal ang kanilang mga produkto.

Tama na ‘protocol’ o ‘standard operating procedure’ na ipasara muna nina BOC Intelligence Agent Alvin Enciso ang mga nasabing warehouse saka iisa-isang busisiin kung may sapat na papeles ba ang mga narekober na paninda.

Hindi natin malalaman kung smuggled goods nga ba ang mga naturang kontrabando. Kung smuggled ‘nga, ibig sabihin ay napalusutan na naman ang mga taga-BOC.

Hindi rin puwedeng maging ‘major breakthrough’ dahil walang naarestong bigtime smugglers sa ginawang raid.

Paano naman kung legal pala ang mga naturang kontrabando? Maibabalik pa ba ang dignidad ng mga may-ari ng warehouse?

Paano ang mga nalugi nilang paninda? Ang mga nabulok nilang kontrabando at ang mga araw na walang suweldo ang kanilang trabahante dahil umaasa sila sa ‘no work, no pay,’ mababayaran pa ba sila?

Isang abogado ang nagsabi sa akin na dapat daw ay kuwestiyunin ng mga may-ari ng warehouse ang ginawang pagsalakay dahil may City Ordinance aniya sa Lungsod ng Maynila na nagsasabing ang lahat ng raid ay dapat may presensiya ng mga barangay officials. Dapat din ay may masinsinan silang koordinasyon sa lokal na pulisya at pamahalaang lokal bago isagawa ang raid.

Isang ekonomista naman ang nagkomento na mas magandang optics at mas kapani-paniwala ang kampanya kontra smuggling kung inuna nilang hulihin ang mga pinangalanang agri-smugglers ni Sultan Kudarat Cong. Horacio Suansing kamakailan.

Kasi kung ang pineperwisyo ay mga negosyanteng naghahanapbuhay ng legal ay mukhang nawawala na ang tunay na prinsipyo ng ‘ease of doing business.’

Bukod pa riyan, dahil sa nangyari, asahan na lalong magmamahal ang mga produktong pang-agrikultura lalo’t mag-iisang lingo nang naiipit ang mga paninda mula sa mga ipinasarang bodega.