Jason

Direk Jason Paul, naiyak sa preem ng ‘Expensive Candy’

September 7, 2022 Ian F. Fariñas 342 views

NAGING emosyonal ang Expensive Candy director na si Direk Jason Paul Laxamana matapos tumanggap ng maiinit na pagbati at masigabong palakpakan sa red carpet premiere screening ng Viva Films movie na pinagbibidahan nina Julia Barretto at Carlo Aquino sa SM North EDSA The Block Lunes ng gabi.

Pagkatapos ng screening, isa-isa ngang nagpasalamat sa lahat ng nanood at nagsidalo sina Julia, Carlo at Direk Jason Paul.

Halos hindi makapagsalita ang direktor sa tindi ng emosyong nararamdaman at yumakap na lang sa katabing si Julia.

Ani Direk Jason Paul, “More than the movie itself, na-miss ko kasi ‘yung ganito. Sinehan,” at tuluyan na ngang naiyak.

“Ito na po ang trabaho ko, ang pagiging direktor, and ‘yung sinehan po ang tahanan namin, so naging emosyonal lang ako na nakakabalik na tayo sa ganito. So, sana po magtuluy-tuloy na. Salamat po,” patuloy niya.

Pasado sa mga nanood ang kauna-unahang daring movie ni Julia na talagang nakipagsabayan ng aktingan at hindi nagpalamon kay Carlo sa pelikula.

Bilang Candy, ang pokpok na mapapamahal sa gurong si Toto (Carlo), naitawid ni Julia ang kwento ng isang babaing lumaki sa hirap na gagamitin ang lahat, pati ang katawan, para magkaroon ng isang marangyang buhay.

Very tastefully done ang kanyang sexy scenes at tama siya sa sinabi sa isang interview na hinog na siyang tumanggap na kakaibang mga papel sa puntong ito ng kanyang karera.

Nagustuhan din ng press ang makatotohanang ending, in fairness.

Samantala, full support kay Julia sa gabing iyon ang kanyang pamilya, sa pangunguna ng inang si Marjorie Barretto at mga kapatid.

Bago ang screening, sinabi ni Marjorie na very proud nga raw si Julia sa Expensive Candy at looking forward siya na mapanood ito sa kabuuan.

“Well, I’d be a little bit awkward but I’m definitely gonna be proud, I’m sure,” turan pa ni Marj.

Dumalo rin sa star-studded red carpet premiere sina Joko Diaz (na ang anak na si Ashley ay kasama sa cast bilang kapatid ni Carlo), Yassi at Issa Pressman, Gino Roque, Rash Flores, Quinn Carillo, grupong Alamat (na umawit ng theme na Sa Panaginip Na Lang) at marami pang iba.

Magsisimula nang mapanood ang Expensive Candy sa mga sinehan sa bansa sa September 14.

AUTHOR PROFILE