Diego

Diego, inamin ang pagiging ‘loyalista’

June 14, 2022 Ian F. Fariñas 254 views

HINDI pa man naipapalabas ang bago niyang pelikula na How to Love Mr. Heartless sa Vivamax (streaming sa June 17), meron na agad follow-up project si Diego Loyzaga at ito nga ay ang matunog na pinag-uusapang Maid in Malacañang na ididirehe ng kontrobersyal na si Darryl Yap.

Gaya ng napabalita, ang mag-amang Cesar Montano at Diego nga ang gaganap sa papel nina dating Pangulong Ferdinand Marcos at Presidente-elect Bongbong Marcos, respectively.

Si Ruffa Gutierrez naman ang napiling gumanap sa role ni dating First Lady Imelda Marcos kasama rin sina Cristine Reyes (Imee Marcos), Ella Cruz (Irene Marcos) at Karla Estrada, Beverly Salviejo at Elizabeth Oropesa ang mga maid.

Sa katatapos na Independence Day celebration, tinawag ni Diego ang sarili na isang “loyalista.”

Paliwanag ng aktor, “Alam ko din na balang araw kung pwede kong suportahan ang pamilya Marcos, susuportahan ko talaga sila. At dumating po ’yung oportunidad na ’yon at kinuha ko po ’yon at salamat sa Diyos binigyan Niya ako ng oportunidad na gampanan si Presidente Bongbong Marcos sa isang role sa isang pelikula. So I’m happy, I’m thankful to be part of this family. Tawagin n’yo na rin po akong loyalist po. Maraming, maraming salamat.”

Samantala, sa isang Facebook post ay nilinaw naman ni Direk Darryl ang itatakbo ng istorya ng Maid in Malacañang.

Aniya, ito ay isang family movie na magpapakita ng pamilyang Pinoy sa gitna ng krisis.

“Ang ipapakita ko, namin, ay ang mga huling sandali ng pamilya Marcos sa Palasyo noong 1986 — bilang isang pamilya,” sabi niya.

“Kaya sa lahat ng mga kaibigan ko sa press at mga follower na nagtatanong kung tungkol saan? paano ang atake?, anong genre? ’yun lang ang sinasabi ko, it’s a family movie,” dugtong niya.

Nilinaw din ng direktor ang katanungan kung ito ba ay magiging isang political vehicle sa pagsasabing lahat naman ay political.

“So kahit anong pihit natin para ’di makulayan, imposibleng maiwasan.

“Sa mga nagtatanong naman kung kailan ang showing ng Maid in Malacañang at kung sa sinehan ba ito o Vivamax o Netflix, sa totoo lang, hindi ko pa po alam kasi magsisimula pa lang kami mag-shoot.

“Kailangan ko ba ng extra o gaganap bilang mga taong lumusob at nagwala sa palasyo? Opo.

“At kilala n’yo naman ako — sa mga netizen ko ’yan kukunin.

“Yan lamang muna po,” pagtatapos ni Direk Darryl na pinuputakti na umano ng napakaraming katanungan at personal messages tungkol sa Maid in Malacañang na co-produced ng Viva Entertainment at VinCentiments.

AUTHOR PROFILE