Default Thumbnail

Debate o forum mahalaga nga ba sa isang halalan?

February 6, 2022 People's Tonight 968 views

TulfoAYON sa ilang mga political strategists ang debate o “forum” ng mga politcal candidates, lalo na sa mga tumatakbo sa pagkapangulo o vice-president ay importante dahil mailalatag nila ang kanilang mga plano at plataporma bago mailuklok sa pwesto.

Pero para naman sa mga beterano at matatandang analysts, ang mga debate bago ang eleksyon ay isang pagkakataon para sa mga kandidato na ipagyabang ang kanilang mga plano, totoo man o hindi, at ang kanilang mga nagawa o performance.

Ito ang pagkakataon ng mga politiko na kumbinsihin ang mga botante o manonood kung bakit siya ang dapat iboto nila sa halalan at hindi ang kanyang katunggali o kalaban.

Sa mga debate rin pinapasinungalingan ng mga kandidato ang mga akusasyon ng mga kaso o anomalya laban sa kanila.

So far, simula ng ako ay maging botante ilang dekada na ang nakakalipas, wala pa namang politiko o kandidato na umamin na sinungaling o magnanakaw, bobo o tanga siya sa isang debate o forum. Meron na ba??? Kung meron na, siguradong hindi naging pangulo o bise-presidente ng ating bansa yun.

At base sa aking experience bilang isang botante din at obserbasyon bilang isang mamamahayag hindi naman talaga natutupad ng mga kandidato ang karamihan sa mga pangako nito sa mga debate o forum.

Ang paboritong pangako ng mga kandidato ay tutuldukan na ang kahirapan at korapsyon, trabaho at pabahay sa lahat o zero crime and drugs kapag nahalal.

At simula ng mauso ang mga debate-debate, hindi lang sa national kundi maging sa local elections, tila nakaugalian na ng mga dumadalo na ipangako ang langit at lupa para lang mahalal sa pwesto.

Ang problema kasi sa mga kandidatong ito, hindi pinag-iisipan kung kaya bang tuparin ang kanyang mga pangakong programa pag- naupo na sa pwesto.

Halimbawa, ang pangakong lahat ay mabibigyan ng trabaho ng administrasyon o gobyerno.

Kung tutuusin karamihan sa trabaho ay nililikha ng mga pribadong kumpanya na magbubukas ng negosyo at hindi si mayor o gob o ang pangulo.

Masarap din pakinggan ang promise na lahat ng walang bahay ay magkakaroon ng sariling tahanan.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), 4.5 milyong pilipino ang walang sariling tirahan.

Trilyon-trilyong piso ang gugugulin kapag pinagawan lahat ng walang tirahan ng bahay.

Ang tanong, saan natin kukunin ang nasabing pondo?

Pagdating naman sa pangakong zero crime rate, habang naghihikahos ang isang lugar o bansa, hindi mawawala ang kriminalidad partikular na ang robbery-holdup, pandurukot, akyat-bahay at iba pa.

Nangako naman ang noo’y Davao Mayor Rodrigo Duterte na tutuldukan ang problema sa droga kapag naging pangulo.

Kinontra naman ng human rights at civil society ang “Oplan Tokhang” ng Duterte administration matapos maraming nanlaban daw at namatay pati mga mayor.

So, sa tanong na kung mahalaga ba talaga ang debate o forum na panay propaganda lang naman ang maririnig sa mga kandidato?

Kung wala na sigurong magandang palabas sa TVo programa sa radyo. Ni Erwin Tulfo

AUTHOR PROFILE