Default Thumbnail

Death toll sa patuloy na pag-ulan, umakyat na sa 20 – NDRRMC

January 14, 2023 Zaida I. Delos Reyes 225 views

UMAKYAT na sa 20 katao ang iniulat na nasawi dahil sa walang tigil na pagbuhos ng ulan bunga ng pinagsamang epekto ng low pressure area at northeast monsoon mula pa nitong Enero 2 ng kasalukuyang taon.

Ito ang iniulat ng National Disaster Risk Reduction & Management Council (NDRRMC).

Sa update na inilabas ng ahensiya nitong Sabado ng umaga, patuloy na binabayo ng walang tigil na pag-ulan ang mga lugar sa Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon), Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Barmm, at iba pang lugar sa Mindanao.

Ayon sa situationer report ng NDRRMC dakong 8:00 ng umaga (Enero 14), anim sa naiulat na patay ay mula sa Eastern Visayas; lima sa Bicol region, tig-apat sa Zamboanga Peninsula at Northern Mindanao at isa sa Davao Region.

Ang lahat ng mga nasawi, ayon sa ahensiya, ay dahil sa pagkalunod bunsod ng walang tigil na pag-ulan.

Umaabot naman sa walo katao ang iniulat na sugatan habang isa pa ang nawawala at nasa 552,131 katao na ang apektado ng walang tigil na pag-ulan.

Nasa P257,765,961 naman ng halaga ng pananim ang nasira kung saan nasa 11,705 na mga magsasaka ang apektado na ng sama ng panahon.

Ayon naman sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), inaasahan nilang patuloy ang sama ng panahon sa malaking parte ng bansa kaya nagbabala ang ahensiya sa mga posibleng pagbaha at mga pagguho ng lupa.