Default Thumbnail

Dalagita na galing sa inuman, hinalay sa abandonadong bahay

March 20, 2023 Edd Reyes 264 views

WALA ng lusot sa kasong “rape” ang 30-anyos na lalaki nang magpositibo ang resulta ng medico legal examination na magpapatunay na may nangyaring panghahalay sa 17-anyos na dalagita sa Valenzuela City.

Sa ulat na ipinadala ni P/Capt. Reymund Andujar, hepe ng Police Sub-Station-5 kay Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura, nag-aabang ng masasakyan pauwi ang biktima dakong alas-12:15 ng hatinggabi noong nakaraang Marso 16, galing sa pakikipag-inuman, nang sumulpot ang suspek na sakay bisikleta at tinanong ang pangalan ng dalagita.

Tinakot at pilit umanong isinakay ng suspek na kinilala lamang sa alyas “Jeje” ang dalagita sa kanyang bisikleta at pinangakuang ihahatid sa kanilang tirahan subalit dinala ang biktima sa isang abandonadong bahay sa Barangay Mabolo at doon ginawan ng kahalayan.

Sinabi ng biktima kay Andujar na tinakot umano siya ng lalaki na papatayin kaya’t hindi na siya nakapanlaban nang simulan siyang molestiyahin ng suspek.

Nang magtungo aniya sa banyo ang suspek, doon na siya nagkaroon ng pagkakataon na makatakas at makahingi ng tulong sa mga nagrorondang barangay tanod na silang nagsama sa kanya sa pulisya.

Sa ginawang follow-up operation nina P/Cpl. Nelson Bendanillo at Pat. Mark Benson Tan, kasama ang mga barangay tanod ng Barangay Isla, nadakip ang suspek na ngayon ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 8353 (Anti-Rape Law) in relation to RA 7610 (Special Protection of Children against Abuse, Exploitation and Discrimination Act) sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.

AUTHOR PROFILE