Default Thumbnail

Dalagita, 12, dinukot; hinalay ng ‘nobyo’

February 3, 2023 Edd Reyes 233 views

DINAKIP ng pulisya ang 28-anyos na tambay sa kanyang tinutuluyang silid makaraang dukutin umano at “halayin” ang 12-anyos na batang babae sa Navotas City.

Isinagawa ng mga tauhan ng Navotas Police Sub-Station 2 sa pangunguna nina P/MSgt. Philip Edgar Valera at P/SSgt. Anthony Marquez, katuwang ang mga barangay tanod na sina Carlos Pabriga at Alvin Galicia, ang pagdakip sa suspek sa loob ng tinutuluyan niyang silid sa Barangay Tangos South dakong alas-10 ng gabi ng Huwebes.

Lumabas sa imbestigasyon ni P/CMSgt. Felbie Lim-Puda ng Navotas Police Women and Children’s Protection Desk (WCPD) na dakong alas-6 ng gabi ng Miyerkules, Pebrero 1, nang dukutin umano ng suspek ang biktima at dinala sa kanyang tinutuluyang silid sa nasabing barangay.

Inabot ng 18-oras na pinigilan ng suspek ang bata at puwersahang hinalay hanggang tuluyang madakip ng pulisya at masagip ang biktima.

Depensa ng suspek, “kasintahan” umano niya ang biktima at batid diumano ito ng magulang ng bata.

Sa impormasyong ibinahagi ni P/Capt. Gregorio Cueto, Station Duty Officer ng Navotas Police Station, kasong abduction at statutory rape ang isinampa ng pulisya sa Navotas City Prosecutor’s Office laban sa suspek.

AUTHOR PROFILE