Anne

Dahlia, namana ang hilig ni Anne sa pagkanta

May 28, 2022 Ian F. Fariñas 332 views

MAHIGIT dalawang taon ding nagpahinga si Anne Curtis matapos manganak sa panganay nila ni Erwan Heussaff na si Dahlia at ngayon ngang 2022 ay balik-eksena na ang tinaguriang Diyosa ng local showbiz sa pamamagitan ng comeback concert na Luv-Anne sa Newport Performing Arts Theatre ng Resorts World Manila sa June 11.

Sa virtual media conference kahapon para sa Luv-Anne, inamin ni Anne na sobrang na-miss din niyang mag-perform nang may live audience.

Mula kasi nang manganak at ma-lockdown dahil sa Covid-19 pandemic sa Australia, ngayong taon pa lang din siya makababalik sa naiwang It’s Showtime family.

Kwento ni Anne, na-conceptualize ang Luv-Anne pagkabalik niya ng bansa kamakailan at originally, ang plano sana nila ay gawin itong isang virtual performance.

Pero nang bisitahin niya ang Resorts World at makita kung gaano ka-intimate ang setting, napagdesisyunan nila ng Viva Live na gawin na itong physical event para may live audience.

Great way ang Luv-Anne, aniya, para ma-kick start ang kanyang pagbabalik-showbiz scene, lalo pa nga’t na-miss na rin niya ang energy ng pagkakaroon ng live audience.

“So I agreed to do a live concert na rin,” dagdag niya.

Ang batikang composer na si Louie Ocampo ang tatayong musical director ng Luv-Anne habang si Paolo Valenciano naman ang magsisilbing director nito.

Pangako ng aktres, marami siyang bagong kanta sa repertoire na hindi aakalain ng marami na makakaya niyang kantahin.

Biro pa ni Anne, na nagte-take ngayon ng voice lessons kay Kitchie Molina, naniniwala siyang nag-iba ang timbre ng boses niya matapos magbuntis kay Dahlia.

“There’s a lot of music heard on TikTok as well. Pero hindi pa rin mawawala ang OPM and also some diva songs,” sabi niya.

Ibinigay niyang halimbawa ang kantang Lose You to Love Me ni Selena Gomez na aawitin daw niya sa isang segment ng Luv-Anne.

Bukod dito, ipinangako ni Anne na pulos iconic ang isusuot niyang outfit sa concert na gawa ng local at international designers.

“Each costume change will be iconic,” diin niya.

Sa mga nagtatanong kung papayagan niyang manood si Dahlia, sagot ni Anne, hindi pa siya handang ilabas ang unica hija sa isang crowded venue gaya ng live concert.

“Ipapaalam ko muna kay Erwan,” natatawang dugtong niya.

Ngayon pa lang daw, nakikitaan na ni Anne ng pagiging showbiz si Dahlia.

Mahilig din daw itong kumanta, mag-ballet at tuwing nagpapraktis siya, napi-pick-up na ng bagets ang mga kinakanta niya.

“I’m excited for Dahlia to see her mom fly,” ani Anne.

Anyway, pinaaabangan ni Anne ang gagawin niyang announcement sa kanyang Instagram account sa Biyernes, May 27.

Bali-balita kasi na pormal na siyang babalik sa It’s Showtime sa Sabado, May 28.

Hopefully din daw, within the year ay may maibalita na siyang susunod na proyekto, kundi man TV series, isang pelikula.

Ang sigurado ni Anne sa ngayon, na-enjoy niya ang time off nu’ng kasagsagan ng pandemya.

“It’s a great time to step back and think about what really matters,” katwiran niya.

Nadiskubre raw niya na fab pero mahirap pala maging isang ina, enjoy siya mag-grocery, maglaba, mag-drive at maglakad sa park nang walang nakakikilala.

Ngayong babalik na siya, ’di raw niya hahayaang mawala ang balanse ng normalcy na ito sa pagiging artista, ina at asawa.

“As much as possible merong isang parent na maiiwan sa bahay. If not, we take her (Dahlia) to the lola’s house or ’yung kapatid ko, si Jasmine,” pahayag pa ni Anne.

AUTHOR PROFILE