Maricar

Maricar muntik mabulag!

May 28, 2024 Vinia Vivar 79 views

Muntik nang mabulag si Maricar Reyes dahil sa pagsusuot ng colored contact lens.

Ito ang ni-reveal ng aktres sa recent TikTok video na umaani ngayon ng mahigit 5.5 million views.

“Three days akong halos bulag dahil sa maling pagsuot ng contact lens,” simula ni Maricar.

Ayon sa misis ni Richard Poon, taong 2010 pa ay nagsusuot na siya ng colored contact lenses.

“I’d wear them to taping for 12, 15 hours. Minsan nga expired ‘yung suot ko, Okay lang, walang issue,” sey ni Maricar.

“But a few months ago, after wearing my colored contact lenses for about 12 hours, nakaramdam ako ng konting pain sa mata. But I thought it’s just normal, pagod lang. So tinanggal ko ‘yung contact lenses ko before going to sleep at natulog na ako. Then at around 3 a.m., nagising ako to the most excruciating eye pain in my entire life,” patuloy ng aktres.

Sa sobrang sakit ay isinugod na siya sa ospital at binigyan ng kaukulang gamot sa kanyang pain sa mata.

Subalit ilang oras lang ang lumipas ay sumakit na naman ang mga mata niya kaya ibinalik siya sa ospital.

“So for the next three days, halos hindi ko madilat ‘yung mga mata ko sa sobrang sakit at maga,” sambit niya.

Aniya, ayon sa doktor, ang sanhi ng pananakit ng kanyang mata ay “corneal abrasions” o malalaking gasgas sa magkabilang parte ng kanyang mga mata kung saan nakapatong ang contact lens.

“Maximum eight hours lang dapat sinusuot ang contact lens at hindi ko namalayan na expired na pala ‘yung gamit ko that day,” kwento niya.

Inamin naman niyang sarili rin ang dapat sisihin sa nangyari.

“Naging iresponsable ako. Masyado akong naging kampante kasi for many years, walang masasamang nangyayari,” sey niya.

“After 7 days, gumaling naman ‘yung mga gasgas ko sa mata, pero sabi ng ophthalmologist ko, napakaswerte ko daw dahil sa laki ng mga sugat ko sa mata, pwede akong magkaroon ng mga peklat or mga puti-puti sa paningin ko, habang buhay,” pahayag pa ng aktres.

Kaya naman nagbigay rin siya ng paalala sa publiko tungkol sa paggamit ng contact lens.

“If you are like me, a regular contact lens wearer na minsan lumalampas sa 8 hours a day ang pagsuot at minsan din nakakalimutan ‘yung expiry date nu’ng contact lens, huwag mong paabutin sa level ko na bigla ka nalang magigising na may sugat ka na sa mata at kailangan mong tumakbo sa E.R. dahil sa sobrang sakit,” payo ni Maricar.

“Magpatingin at magpa-advice sa ophthalmologist para maalagaan ng tama ang mga mata mo,” saad pa ng aktres.

AUTHOR PROFILE