Default Thumbnail

Court martial ng 5 opisyal ng militar sisimulan na

April 17, 2023 Zaida I. Delos Reyes 188 views

Kaugnay sa pagpaslang sa Davao City model

SISIMULAN na ngayong linggo ang general court-martial proceedings laban kay dating Presidential Security Group (PSG) commander Brig. Gen. Jesus Durante at limang iba pang sundalo na sangkot sa pagpatay sa negosyante at modelong si Yvonette Chua-Plaza.

Sinabi ni Philippine Army (PA) Chief Lt Gen. Romeo Brawner Jr. na si Durante ay kasalukuyang nasa headquarters ng PA sa Taguig City at ililipad sa Davao City sa pagsisimula ng pagdinig kasama ni Col. Michael Licyayo na umano’y “kasabwat” niya sa krimen.

Haharap din sa court martial sina Staff Sgt. Gilbert Plaza, Sgt. Delfin Sialsa Jr., Cpl. Adrian Cachero, at PFC Rolly Cabal, na nasa kustodiya naman ng PA sa Davao.

Nanatili namang nawawala ang isa pang sangkot na may ranggong “Private First Class” na una nang iniulat na dinukot diumano ng hindi pa nakikilalang suspek.

Ipinaliwanag ni Brawner na base sa polisiya ng PA, ang court martial ay isinasagawa kung ang sangkot sa kaso ay mataas na opisyal.

Si Durante, ay nagsilbi bilang PSG chief sa ilalim ng termino ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at naging commander din siya ng 1001st Brigade sa Davao de Oro sa ilalim ng Eastern Mindanao Command nang siya ay akusahan bilang “mastermind” sa pagpatay kay Plaza.

Pamumunuan naman ni Maj. Gen. Jose Eriel Niembra, commander ng Army’s 10th Infantry Division (ID) ang CGM kasama ang lima pang senior officers, at isang legal officer.

Matatandaang ang 38-anyos na biktima ay pinagbabaril hanggang sa mapatay sa labas ng kanyang apartment sa Davao City ng dalawang lalaki na lulan ng isang motorsiklo nakaraang Disyembre 2022.

Ang mga suspek ay gumamit diumano ng “military-issued” na mga armas sa pagpatay.

“The results of the Army’s pretrial investigation, which warranted a court martial against Durante and other soldiers, came out sometime last month. We faced some delays [with starting] the court martial because there was no available facility where we could restrict them,” paliwanag ni Brawner.