BBM2

Cotabato farmers na higit 20 taon nang nagsasaka binigyan ng lupa ni PBBM

May 24, 2024 People's Tonight 60 views

NAGPAHAYAG ng pasasalamat ang Cotabato farmers kay Presidente Ferdinand R. Marcos Jr. dahil makalipas ang higit 20 taon ay ibinigay na sa kanila ang lupang kanilang sinasaka.

Kung hindi dahil kay Presidente Marcos, sinabi ni Nelson Oloy ng Lower Maculan, Lake Sebu na hindi maibibigay sa kanila ang kanilang lupa sa ilalim ng Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT) Project.

Tinanggap ni Oloy, na may 20 taon nang nagsasaka, ang kanyang land title mula sa Pangulo sa awarding event para sa Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa Koronadal City nitong Biyernes, Mayo 24.

“Mr. President, maraming- maraming salamat po sa inyong programa. Kung hindi dahil sa SPLIT program hindi namin matanggap ang titulo sa araw na ito,” sabi ni Oloy.

Naghintay rin si Nolly Sumangil ng Barangay Supit, Titay ng 20 taon bago ibinigay sa kanya ng national government ang kanyang land title, at sinabing nagpapasalamat siya kina Presidente Marcos at Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III.

“More than 20 years na po akong magsasaka doon. Labis ko pong ikinagagalak ngayong araw na ito, May 24, 2024, ay sa wakas ay matatanggap na po namin ang titulo na ipagkakaloob ng mahal na President Bongbong Marcos at DAR Secretary Conrado Estrella III,” sabi ni Sumangil.

“Hindi ko po ma-measure ang aking galak dahil sa saya na nararamdaman ngayon. Maraming maraming salamat po,” dagdag pa niya.

Nagpasalamat din ang provincial governors ng North at South Cotabato sa Pangulo.

“Labis na pasasalamat [ang ating ipinaabot] kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. at DAR Secretary Condrado M. Estrella III sa pag-asang inihatid nila sa mga ARBs na matagal ding naghintay na mapasakanila ang lupang sinasaka,” ani Cotabato Governor Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza.

“Ang araw na ito ay napaka-espesyal dahil maliban sa natanggap na ng mga magsasakang benepisyaryo ang kanilang mga titulo, nagbigay din ito ng seguridad sa kanilang mga pamilya tungo sa isang magandang bukas,” dagdag ng Cotabato governor.

“Kami ay lubos na nagpapasalamat sa ating mahal na Pangulo. Ito ay pangarap ng mga taga-Mindanao. Ang rason na pumunta ang mga lahi namin na galing Luzon ay dahil sa lupa na mayroon ang Mindanao,” wika ni South Cotabato Governor Reynaldo S. Tamayo.

“Ngayong nabigyan tayo ng ganitong pagkakataon na iyang mga pangarap na iyan ay matutupad ang oportunidad na magkakaroon ng mga titles ang ating mga lupa. Ito na marahil ang pamana sa ngayong henerasyon at sa mga susunod pa na henerasyon ng mga pamila, hindi lang dito sa dito sa probinsya ng South Cotabato, kundi sa buong Rehiyon 12,” dagdag pa niya.

Nilagdaan ni Presidente Marcos noong July 2023 ang New Agrarian Emancipation Act para sa benepisyo ng 610,054 Filipino farmers na nagsasaka sa mahigit 1.7 million hectares ng agrarian reform lands. Minamandato ng batas ang pagiging debt-free ng mga magsasaka mula sa agrarian arears na nagkakahalaga ng P57.65 million.

Sinabi ni Presidente Marcos na masaya siya na personal na ipamahagi ang land titles sa ARBs. Aniya, laging bibigyang prayoridad ng pamahalaan ang kapakanan ng mga magsasaka tulad ng nilalayon ng “Bagong Pilipinas.”

“Sa Bagong Pilipinas, uunahin po natin ang kapakanan ng mga magsasaka at papalayain natin sila sa sistemang nagpapahirap [ng] kanilang kalagayan,” pahayag ng Chief Executive sa mga kabahayan ng ARBs sa Koronadal City.

Umaasa siya na ang mga ipinamahaging land titles ay makatutulong upang maiangat ang pamumuhay ng mga magsasaka at sa huli ay matupad ang kanilang mga pangarap para sa kanilang pamilya at sa bansa.

“Nawa’y magbigay ito ng kapanatagan sa inyong kabuhayan habang itinataguyod ninyo ang seguridad sa pagkain ng buong bansa,” ang Pangulo.

Sa sidelines ng pamamahagi ng land title ay sinabi ni Presidente Marcos na hindi siya titigil hanggang hindi naipamamahagi ang lahat ng land titles sa ARBs.

AUTHOR PROFILE