Default Thumbnail

Company driver timbog sa ‘panghahalay’ ng therapist

June 15, 2022 Melnie Ragasa-limena 255 views

KALABOSO ang isang 30-anyos na company driver na nagpanggap umano na pulis matapos na pagsamantalahan at pagnakawan pa ang isang therapist sa loob ng isang hotel sa Quezon City, nitong Martes ng madaling araw.

Ang suspek ay nakilalang si alias “Chubs”, 30, binata, company driver ng Topspot, at residente ng 12 Blk 176, Upper Dalhia St., Pembo Makati City.

Sa report ng Kamuning Police Station 10 ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 2 a.m. (June 14) nang maganap ang insidente sa room 540 SOGO Hotel na matatagpuan sa No. 1050 D&E Building na nasa kanto ng Quezon at Don A Roces Ave, Quezon City, Brgy South Triangle, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ni PCpl Anna Marie C. Tuliao, ini-refer umano ng isang kaibigan ang therapist na si Ella (di tunay na pangalan), 30, sa suspek na magpapamasahe sa nasabing hotel.

Agad na nagtungo ang therapist sa hotel at matapos na magkasundo sa babayaran ay minasahe na niya ang suspek sa loob ng isang oras.

Pero nang sisingilin na ng therapist ang suspek ay bigla umano itong hinaltak sa kama ng suspek at pinagsamantalahan.

Matapos ay isinakay ng suspek sa silver na Innova na may plakang AAH 8261 ang therapist at habang binabaybay nila ang Panay Ave, Brgy South Triangle, nagpakilala umano ang suspek na si Police Officer SPO4 Conrad na nakatalaga sa Drugs at Human Trafficking Department sa Southern Police District (SPD).

Ibinaba umano ng suspek sa lugar na hindi pamilyar sa biktima matapos na kunin nito ang cellphone ng therapist na IPHONE X color black na nagkakahalaga ng P38, 000.

Nang makauwi ng kanilang bahay ay agad na isinalaysay ng biktima sa kaniyang boyfriend at best friend ang ginawa ng suspek kaya inireport nila ito sa mga awtotidad.

Agad na nagsagawa ng follow-up operation sina PSSG Mark Anthony Marfilla, PCpl Marlon Balais at PCpl Romel Rosales ng Kamuning PS-10, na nagresulta sa pagkakadakip ng suspek at narekober dito ang ninakaw na cellphone sa biktima.

Inihahanda na ang kasong paglabag sa RA 8353 with Robbery laban sa nasabing company driver.