Default Thumbnail

Babaeng tumalon sa gusali may saksak sa dibdib, dedo

June 15, 2022 Melnie Ragasa-limena 9145 views

MAY kutsilyong nakatarak sa dibdib ang isang babae na unang naiulat na tumalon umano sa isang gusali at natagpuang patay sa garden ng isang condominium sa Quezon City, nitong Martes ng umaga.

Sa unang report, tumalon umano ang babae mula sa gusali ng Tower-4 Grass Residence, sa Barangay Bago Bantay, sa Quezon City, at bumagsak sa Amenity Garden area sa ika-anim na palapag ng nasabing condo.

Bandang 7 a.m. (June 14) nang makita ang nakabulagta at duguang katawan ng babae na tinatayang nasa edad 30-35, may taas na 4’6” at nakasuot ng black shirt at blue shorts.

Batay sa autopsy report ng SOCO na pinamumunuan ni PCapt. Michael Jabel, ang biktima ay may tama ng saksak ng kutsilyo sa dibdib na siya nitong ikinasawi.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung sino ang nasa likod ng krimen, maging ang pagkakakilanlan ng biktima na hindi pa mabatid kung residente ito sa nasabing condo.