Manggagawa sa rail projects, pinarangalan
PINURI kamakailan ni Department of Transportation (DOTr) Undersecretary for Railways Jeremy Regino ang mahalagang papel na ginagampanan ng sektor ng mga manggagawa sa katuparan ng layuning pag-unlad ng ating bansa.
Sa kanyang keynote speech sa isang pre-Labor Day event na dinaluhan ng mga diplomats, mga global labor leaders at mambabatas, sinabi ni Regino na ang mga manggagawa pa rin “ang pinakamahalagang asset ng isang bansa o kumpanya”.
“Walang kagamitan, teknolohiya o kahit na Artificial Intelligence ang maaaring pumantay sa halaga ng mga manggagawa sa anumang pagsisikap ng isang bansa o kumpanya na lumago at umunlad”.
Pinarangalan ni Regino ang kontribusyon ng mahigit na 37,000 manggagawa na kasalukuyang nagtatrabaho sa mga railway projects ng pamahalaan.
Ayon sa kanya, “ang kalidad ng mga proyektong ito at ang kakayahan nating tapusin ang mga ito sa takdang deadline ay nakasalalay sa dedikasyon ng naturang mga manggagawa.
Sang-ayon tayo diyan sa perspektibong iyan ni Regino. Ano ang saysay ng lahat ng teknolohiya kung ang mga taong gagamit nito ay walang mga malasakit?
“Ang tagumpay ng magiging operasyon ng mga rail projects na ito sa malapit na hinaharap ay nakasalalay din sa suporta ng libo-libong manggagawang magtatrabaho sa kanila,” ayon kay Regino.
Kabilang sa mga proyektong tinuran ni Regino ang North South Commuter Railway, ang Metro Manila Subway, ang mga itinatayong bago at pinapalawak na light rail transit lines sa Metro Manila, at ang balak na Mindanao Railway Project.
Nabalitaan kasi natin na ang NSCR ay nakatakdang lumikha ng libo-libong trabaho habang ito ay ginagawa at sa panahon ng operasyon nito.
Tinukoy din ni Regino ang “nagbabagong papel ng mga trade unions sa buhay ng lipunan sa buong mundo”.
Ayon sa kanya, “ang mga trade unions ngayon ay mahalagang katuwang ng mga bansa at kumpanya sa kaunlaran.
“Ang mga trade unions ay mahalagang tulay natin sa kanilang mga miyembro at pinakamabisang paraan natin para maparating sa kanila ang direksyong ating tinatahak at kung paaran sila makatutulong para makarating tayo sa ating destinasyon,” dagdag ni Regino.
Naging mabisa aniya ang pagtutulungang ito batay sa nating karanasan niya sa maraming taong pamamahala ng mga proyekto at mga ahensiya ng pamahalaan.
Alam ni Regino ang kaniyang sinasabi. Siya kasi ay naging pinuno din ng Light Rail Transit Authority at Philippine National Railways.
Alam natin na bagama’t ang mga trade unions ay patuloy pa ring nagbabantay sa karapatan ng mga manggagawa, malaking tulong sila sa pagkuha ng pakikiisa ng mga ito sa layuning pag-asenso ng ating bansa.
Sana ay magpatuloy ang samahang ito sa NSCR. Malaking bagay kasi pag ang pamahalaan at ang ating mga manggagawa ay magkatuwang upang magkasamang isulong ang napakahalagang proyektong ito. Tiyak bayan ang panalo!