Default Thumbnail

Comelec ruling sa socmed mistulang ‘class legislation’

November 22, 2021 Allan L. Encarnacion 236 views

Allan EncarnacionMAGMULA pa nang mauso ang eleksiyon, wala pa tayong natatandaang nakasabay ang mahirap na kandidato laban sa mayamang kandidato.

Palaging argabyado ang mga walang perang kandidato kaya madalas, hindi nagkakaroon ng tiyansa ang mga pangkaraniwang tao dahil sa kawalan ng pera.

Maraming ordinaryong mamamayan ang magagaling at puwedeng maging lider sa kani-kanilang lugar pero hindi nabibigyan ng tiyansa dahil sa magastos na eleksiyon.

Paano ka nga naman sasabay sa mayamang kandidato na kayang magbayad ng P1 million para sa 30 seconds TV commercial at P57,000 30 seconds radio commercial kung isa ka lamang hamak na professional?

Kahit magaling kang teacher na gustong maglingkod sa bayan sa pamamagitan ng eleksiyon or mabuting karpintero na gustong kumandidato, hindi mo pa rin ito magagawa dahil usapin pa rin ito ng kakayahang maglunsad ng kampanya or may pera ka ba para makasabay sa kampanya ng iyong makakalaban.

Ngayong malakas ang social media platforms, nagkaroon na ng equalizer ang mga mahirap na kandidato vs mayamang kandidato. Kung hindi mo man kayang maglabas ng iyong mga mensahe gamit ang radyo, diyaryo at telebisyon na may bayad, nariyan ang mga social media networks or iyon mismong internet connection mo ay sapat na para makapagparating ka ng mensahe sa target mong botante.

Ibig sabihiin, mayroon ka lang P3,000 monthly subscription sa internet provider, magagawa mo lahat ang gustong gawin. Puwede kang gumawa ng sarili mong video, puwede kang magsulat ng gusto mong sabihin at puwede mo ring kausapin ang iyong mga botante gamit ang social media nang hindi umaalis sa iyong tahanan.

P3,000 monthly internet connection versus P1 million 30 seconds TV ads, magkasinglawak or mas malawak pa pero di kasing mahal.

Hindi naman sapat ang isang TV spot para makilala ka ng iyong botante kaya kailangan ng halos 100 spots before and after campaign period para tumaas ang iyong awarenes. Paano ka sasabay sa taong may P100 million kung isa ka lang nobody candidate?

Tanong, hindi ba happy dito ang Comelec? Mukhang hindi nga kasi may mga kautusan ang Comelec na dapat nakarehistro sa kanila ang lahat ng websites or mga social media platforms na gagamitin ng kandidato. Ibig sabihin under Comelec control din ang socmed.

At ang sinasabi ng Comelec, lahat ng sites na nagpo-promote sa kandidato direct man or indirect, dapat iparehistro sa kanila. Isa pang tanong, paano iyong mga news site ng mga media na one way or another ay naglalabas ng mga balita tungkol sa mga kandidato, dapat magparehistro sa Comelec? Hindi ba ito pagkitil na sa press freedom?

Paano ang magiging kuwentada sa mga lalabas sa socmed ng mga artikulo, video at pictures ng mga kandidato? Papasok ba ito sa SOCE or Statement of Contributions and Expenditures? Papayag din ba ang mainstream media na patawan pa sila ng bagong tax sa mga ilalabas nila sa socmed?

Kailangan ba lahat ng mainstream media at socmed pages ay manduhan ng Comelec?

Papasok na naman tayo mayaman vs mahirap na kandidato. Si rich candidates ay kayang gumawa ng sangkatutak na socmed pages na iba ang pangalan at hindi ma-trace sa kanya samantalang si poor candidate na may wifi connection lang ay lalamunin na naman ng mga pages mayaman niyang kalaban.

At ibig bang sabihin, lahat ng mainstream media na maglalabas ng news tungkol sa isang kandidato ay ipagpapalagay ng Comelec na kumakampanya para partikular na candidate?

Maraming malabong probisyon sa mga kautusan ng Comelec na sa tingin natin ay mistulang “class legislation” na pumapabor lalo sa mayayamang kandidato.

[email protected]