Coco

Coco sa bashers ng ‘Batang Quiapo’: Wala kaming inaapakang tao

March 21, 2023 Vinia Vivar 423 views

PURING-PURI ng netizens ang mahinahong pagsagot ni Coco Martin sa open letter ng isang influencer at bashers ng bago niyang Kapamilya action serye na FPJ’s Batang Quiapo.

Sa video interview ng kasamahang MJ Marfori ng TV5, sinabi ni Coco na ganu’n talaga sa showbiz at sa social media.

Gaya raw ng laging sinasabi noon sa kanya ng yumaong movie queen na si Susan Roces, hindi na mawawala sa buhay nila ang mga ganitong pambabatikos.

Talagang may mambabato’t mambabato raw sa mga puno na hitik sa bunga.

Dagdag pa ni Coco, “Hindi ko na lang po pinag-uukulan ng panahon kasi sabi ko nga, hindi ko ito makakalimutan talaga, sinabi sa akin ito ni Tita Susan, sabi niyang ganu’n, ‘alam mo, hindi mawawala sa buhay natin ito. ‘pag hitik ang bunga, talagang may babato’t babato sa ’yo.’

“Ako, iniintindi ko na lang na siguro ‘yung mga tao, gusto maghanapbuhay, ‘yung kailangan nilang gawin ‘yon. Pero alam ko naman na sana wala silang masamang intensyon na manggulo o makagulo kasi hindi maganda, eh. Pero sa akin kasi, sabi nga nila, kung sino ‘yung nakakaunawa, ‘di ba, pagpasensyahan mo na, unawain mo na lang.

“Ako naman, sabi ko nga, sa lahat ba ng ano, sa lahat ba ng blessing na dumarating, siguro ‘yung ano na lang, eh, ‘yung pagiging mabuting tao na lang ang ibinabalik kong ano kesa patulan ko or ano… parang sa akin kasi, mas marami tayong ano, eh, bagay na pwedeng pag-ukulan (ng pansin). Kasi para sa akin, naghahanapbuhay ka lang naman, ‘di ba? At sa palagay ko naman, wala kaming ginagawang masama o ‘di kami lumalabag sa batas.

“Kasi sa una’t una, alam namin po ‘yung ginagawa namin. Pangalawa, nagpaalam po kami sa mayor, ‘di ba, sa Manila City Hall. Meron din po kaming permiso mula sa kapulisan, sa barangay at pati po sa simbahan ng Quiapo at sa mga kapatid nating Muslim.

“Lahat po ‘yan, naka-organize at pinagpaalam po namin nang maayos. Wala po kaming inaapakan na tao kaya ‘yung mga bagay na ganyan, hindi na lang po namin pinapansin o pinag-uukulan ng panahon kasi hindi naman po kami apektado, eh, dahil alam naman po namin, naiintindihan naman po namin ‘yung nangyayari sa social media,” dugtong ng aktor.

Sa hiwalay na panayam naman ni Bernadette Sembrano, inamin ni Coco na nang una siyang sumabak sa showbiz, wala siya talagang kaalam-alam, pati na sa pag-arte.

Ang first acting experience niya ay sa isang commercial kung saan minura-mura siya ng direktor.

“Pinapapalitan ako 2 in the morning,” kwento ng bida ng FPJ’s Batang Quiapo.

“Siyempre, down na down ako, biruin mo, first acting experience ko, ito ‘yung na-experience mo, talagang nire-reject ka,” aniya.

Sobrang napahiya raw siya talaga nu’n kaya ang ginawa niya ay pinag-aralan niyang mabuti ang acting ng magagaling na aktor sa industriya.

Ang una raw niya talagang pinag-aralan ay ang acting ni Nonie Buencamino, isa sa mga hinahangaan niyang aktor.

“Unti-unti, ginagaya ko siya,” kwento niya.

Mahilig din daw siyang magtanong sa mga veteran actor at humingi ng tips sa mga ito pagdating sa pag-arte kaya later on, naging kaibigan niya ang mga ito.

“And then, after that, ‘yun nga, natuto na ako nang natuto. Hanggang hindi ko namamalayan, nagkakaroon na pala ako ng interes sa production,” tsika pa ni Coco.

Ngayon, alam naman nating direktor na siya at talagang sobrang hands on siya sa kanyang mga proyekto na nagsimula sa FPJ’s Ang Probinsyano at ngayon nga ay sa FPJ’s Batang Quiapo.

AUTHOR PROFILE