Coco

Coco: Quiapo, naging tourist attraction dahil sa taping ng ‘FPJ’s Batang Quiapo’

May 4, 2023 Ian F. Fariñas 657 views

PORMAL nang sinagot kahapon ni Coco Martin ang isyu tungkol sa pag-iingay ng isang internet personality kaugnay ng diumano’y “panggugulo” ng taping ng FPJ’s Batang Quiapo sa mga taga-Quiapo.

Sa bonggang media conference ng FPJBQ, sinabi ni Coco na hindi niya alam ang intensyon ng nag-iingay pero isa lang ang sigurado siya… na masaya ang mga taga-Quiapo tuwing nagte-taping sila.

Taliwas sa claim ng isang Rendon Labador, kumikita pa nga raw ang mga tindera doon tuwing may taping dahil sa crew at talents na kumakain sa mga tindahan nila.

Paliwanag pa ni Coco, “Actually ano, eh, alam naman natin dito sa industriya natin, ‘di ba? ‘Yung iba nga sa bawat pinupuntahang lugar, kahit naman tayo ‘pag pumupunta tayo ng abroad, ‘di ba, ‘uy dito nag-shooting ‘yung ano.’ Pupunta tayo du’n sa isang restaurant, pupunta tayo du’n sa isang park or whatever kung saan man ‘yung location, which is ganundin ang nangyayari sa Pilipinas. Maraming pelikula, soap opera na minsan nagiging tourist attraction pa ‘yung lugar kung saan shinoot ang isang pelikula o isang project.

“Ganundin ang nangyayari sa Batang Quiapo. Pero hindi natin maaalis na kasi ngayon na because of the social media, napakadaling gumawa ngayon ng opinyon ng isang bagay na kaya mong pagandahin o sirain. Nagkataon lang na siguro may mga taong… hindi naman lahat papabor sa amin o papabor para sa Batang Quiapo. Siguro nu’ng sinabi niya ‘yon hindi ko alam kung anuman ‘yung talagang intention, pero ang masasabi ko lang po, ‘yung totoong mga tao du’n, masaya sila.”

Alam daw nila ang totoo kaya ‘yung mga ganu’ng banat, hindi na lang nila pinapansin o pinag-uukulan ng lakas o panahon.

Umayon naman dito ang FPJBQ co-star ni Coco na si Charo Santos-Concio at tiniyak na may paggalang ang produksyon sa mga tao doon.

Ayon pa kay Charo, wala siyang naramdaman na hindi sila welcome sa Quiapo.

“Nagulat nga ako nang magkaroon ng konting ingay. Kasi maayos naman, eh. Wala akong recollection na kahit nagparinig? Mababait sila sa amin,” dugtong pa ng chief content officer at presidente ng ABS-CBN University.

Anyway, maraming dapat abangan ang viewers sa pagpapatuloy ang kwento ni Tanggol (Coco) at ng kanyang mga kasamahan dahil simula Lunes, May 8, sunud-sunod na pasabog ang mapapanood ng viewers.

Kaya huwag palampasin ang maaaksyong kaganapan sa FPJ’s Batang Quiapo gabi-gabi, 8 p.m., sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, iWantTFC at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment.

Mapapanood din ito abroad sa iWantTFC at The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV.

AUTHOR PROFILE