Go Bell Kenz CEO Dr. Luis Raymond Go Source: Screen grab mula Senate of the Philippines video

Bell Kenz itinangging sangkot sa ‘pyramid’

April 30, 2024 Camille P. Balagtas 128 views

MARIING itinanggi ng Bell Kenz Pharmaceutical Inc. ang mga akusasyong isinasangkot ito sa tinatawag na multi-level marketing scheme o MLM sa bentahan ng mga gamot.

Sa naganap na pagdinig ng Senate committee on health and demography na pinamumunuan ni Sen. Christopher “Bong” Go, sinabi ni Bell Kenz chief executive officer (CEO) Dr. Luis Raymond Go na masusi nilang sinusunod ang mga nakatakdang regulasyon ng health industry sa bansa alinsunod sa nakasanayan na ethical standard.

Sa pahayag na ginawa ni Go sa gitna ng pagdinig, nilinaw nito na ang layunin ng kanilang kumpanya ay makapagbigay ng quality medicine na mas mababa at resonable ang presyo sa merkado.

Partikular na nakatuon ang kanilang mga gamot sa mga sakit tulad ng hypertension, diabetes at coronary diseases.

Nilinaw din ni Go na hindi ito maituturing komisyon kundi insentibo lamang sa mga doktor na nagrereseta sa kanilang mga gamot.

Ang paglilinaw ni Go ay bunga ng ginawang pagbabanta ni Sen. Raffy Tulfo na ipakukulong siya mismo sa Senado kung itatanggi niya ang pagbibigay ng pera, dahil kumpleto umano ang senador ng mga konkreto at sapat na ebidensiya tulad ng cheque na inisyu ng Bell Kenz at ibinigay sa mga doktor.

Sa kaniyang paliwanag, sinabi ni Go na walang cash na transaksyon sa pagitan nila at ng mga doktor kundi pagsuporta sa mga nasabing doktor sa kanilang pag-aaral na kanilang dinadaluhan sa local at international conferences sa iba-ibang okasyon.

Bukod rito ay inamin din ng Bell Kenz na may mga pagkakataong nagbibigay ito ng makabagong equipment sa mga klinika para makasabay sa mabilis na pagbabago ng teknolohiya sa tuwinang naisasama sila ng mga doktor sa kanilang generic prescription sa mga pasyente.

Hindi aniya kailanman nangyari ang palitan ng cash, mamahaling sasakyan o kahit mamahaling mga relo dahil insentibo lamang ang pakay nito.

Sinabi naman ni Health Secretary Ted Herbosa na hindi kailanman papayagan ng pamahalaan ang anumang pagmamalabis ng sinomang doktor.

Nilinaw din ni Herbosa na base sa kalakaran ay hindi naman ipinagbabawal ang pag-sponsor ng mga pharmaceutical companies sa mga doktor na nais makadalo at magkaroon ng karagdagang kaalaman sa pamamagitan ng pagpunta sa iba-ibang conferences maging lokal o international man, basta ito’y nakadeklara sa Food and Drug Administration.