Coco

COCO G NA G SA PAKIKIPAGTRABAHO KINA SENS. LITO, BONG AT ROBIN

February 21, 2024 Vinia Vivar 115 views

Wish din ni Coco Martin na matuloy ang pelikulang pagsasamahan nila nina Sen. Lito Lapid, Sen. Robin Padilla at Sen. Bong Revilla.

Two years ago pa umano nila ito sinimulang pag-usapan and up to now ay inaayos pa rin.

“Nagsimula ‘yan, kinausap ako ni Lito Lapid, ni Tito Sen. ‘Eto ‘yung time na I think mga two years ago, eh. Sabi niyang ganu’n, ‘sana matulungan naman natin ‘yung industriya,’ sabi niya sa ‘king ganu’n,” kwento ni Coco sa panayam ng On Cue ng ABS-CBN.

“’Eto pa ‘yung bagsak na bagsak (ang movie industry), eh, ‘yung halos walang nagpo-produce, ganyan, kakagaling natin sa pandemic, ang mahal ng sinehan.

“Sabi niyang ganu’n, ‘sana makagawa tayo ng paraan kung paano natin ibabalik ang mga tao na manood ng sine.’ Sabi ko, ‘kayo, ‘To, kung ano ang maitutulong ko, kung ano po ang magagawa natin.’ Sabi niya, ‘sana, gumawa tayo ng pelikula, ‘yung mga action stars, tulong-tulong tayo, magsama-sama tayo, tapos ‘wag na tayo magpabayad,’ sabi niyang ganu’n,” dagdag pa niyang tsika.

Napakaganda raw ng plano ni Sen. Lito na pati ang buong kikitain ng pelikula ay itutulong nila sa industriya sa pamamagitan ng pagtatayo ng building o kung anumang pwedeng maitulong.

“Ang ganda ng ano (plano), sino ba naman ang tatanggi? ‘Sige po, ‘To.’ Tapos ‘yun,” sey pa ni Coco.

Pumayag daw ang lahat na wala silang bayad at tuwang-tuwa si Coco na willing lahat tumulong at makiisa para sa ikagaganda ng movie industry.

Isa pang labis niyang ikinasisiya ay ‘yung makakasama niya sa isang pelikula ang iniidolo niyang action stars.

“Sabi ko nga dati, pinanonood ko lang, idol ko lang lahat ‘yang mga ‘yan, eh. Pero ‘yung makasama ko lang sila, sabi ko, ‘yun na ‘yun! ‘Yung nakatulong ka na, nakasama mo pa ‘yung mga idolo mo, isa nang malaking, malaking katuparan ‘yun para sa akin, sa pagkatao ko o maiiwan kong legacy sa trabaho kong ito,” saad pa ni Coco.

Hindi pa umano niya alam kung kailan nila sisimulan ang movie at kasalukuyan nang binubuo ni Direk Brillante Mendoza na siyang magdidirehe ng project.

Basta paghahandaan nilang mabuti ang pelikula at itotodo nila ang kanilang makakaya para mapaganda ito dahil once-in-a-lifetime ang proyektong ito.

AUTHOR PROFILE