Coco

Coco clueless sa gagawin sa karakter ni Jaclyn sa action serye

March 6, 2024 Vinia Vivar 140 views

May mga premonisyon na palang nakita si Coco Martin ilang araw bago pumanaw ang veteran actress at kasamahan niya sa FPJ’s Batang Quiapo na si Jaclyn Jose.

Sa ulat ng ABS-CBN, ibinahagi ng aktor ang nangyari sa set Miyerkules last week kung saan ang eksena ni Jaclyn ay magpapaalam sa karakter ni Ivana Alawi.

Sa naturang eksena ay umiyak umano nang umiyak si Jaclyn na akala mo’y tunay na anak si Ivana.

Kaya nag-cut si Coco at ang assistant director niya at tinanong si Jaclyn kung puwede nilang i-retake ang scene na walang masyadong luha.

Ang paliwanag daw ng yumaong aktres kung bakit siya napaiyak ay, “Kasi parang isa-isa nang nawawala ‘yung mga character sa kulungan, eh.”

Inalala rin ni Coco ang huling pagkikita’t paalamanan nila ni Jaclyn na aniya ay parang kakaiba ang yakapan at “I love yous” nila.

Pagkatapos nito ay nagpunta na si Coco at ang iba pang cast ng FPJBQ sa Baguio para sa Panagbenga Festival.

“Pagdating ko pa lang ng Baguio, ikinukuwento ko na siya kay Cherry Pie (Picache). ‘Pie, alam mo pinagkukuwentuhan namin ni Mommy Jane si Ma’am Charito Solis, sina FPJ.’ Tapos ‘yung gabi after ng show sa Baguio, siya pa rin ‘yung pinagkukuwentuhan namin. ‘Yun pala, hindi namin alam may nangyari na pala,” kwento ng aktor.

Isa si Coco sa mga celebrity na unang nagpunta sa bahay ni Jaclyn nang malaman niya ang nangyari mula sa kapatid nitong si Veronica Jones.

Bandang 6 p.m. ng March 3 siya nakatanggap ng tawag mula kay Veronica para ipaalam na wala na nga si Jaclyn.

“Pumunta kami agad ni Cherry Pie sa bahay niya. Seven p.m., nandu’n na kami sa labas. Siyempre nagulat talaga lahat kami. Hindi namin inaasahan na mangyayari ito,” sey ni Coco.

Ayon pa sa aktor/direktor, malaki ang utang na loob niya kay Jaclyn dahil ito ang kasama niya sa kauna-unahang independent film niyang Masahista at ito rin ang kumumbinsi sa kanya na pumasok sa ABS-CBN.

“Utang na loob ko lahat kay Mommy Jane. Siya ang dahilan kung bakit ako nandito sa ABS-CBN. Kung bakit lahat nangyari sa buhay ko. Siya ang kasama ko sa kauna-unahang indie movie ko na Masahista. Siya ang nag-convince sa akin na pumasok sa TV, sa ABS-CBN,” ani Coco.

Sa FPJBQ ay ginagampanan ni Jaclyn ang papel ni Chief Dolores Espinas. Hindi pa masabi ni Coco sa ngayon kung ano ang mangyayari sa karakter na ito.

Hanggang ngayon, hindi pa rin makapaniwala ang lahat na wala na si Jaclyn.

AUTHOR PROFILE