Default Thumbnail

Chiz sa DOH: Buhusan ng suporta ang pilot provinces sa UHC

January 3, 2022 Marlon Purification 431 views

Marlon PurificationPAGPASOK pa lang ng taon ay binalot agad tayo ng pangamba.

Ang bilis kasi ng pagtaas uli ng COVID cases na hindi malayong bumalik tayo sa mas pinahigpit na health protocol.

Kung role ng pamahalaan ang pag-uusapan, mukha namang ginagawa nila ang lahat ng paraan para mahikayat ang ating mga kababayan na magpabakuna at magpa-booster na!

Kaya nga ang dating anim na buwang taning mula sa pinakahuling bakuna ay puwede nang magpabakuna uli kahit tatlong buwan pa lang itong naituturok sa ating lahat.

Sa pagbibigay ng alert level sa health protocol, mahirap talagang desisyon ito dahil ang nangyayari kahit ano ang gawin nilang desisyon, daranas pa rin ito ng kabi-kabilang reaksiyon mula sa ating mga kababayan.

Kaya sana talaga, iyong mga pasaway nating kababayan ay makiisa sa anumang alituntunin na ipinatutupad ng pamahalaan.

Kung hindi naman talaga kailangan, wag na lang muna tayo lumabas sa ating tahanan o makisalamuha sa maraming tao dahil kahit anong gawin natin ngayon, marami pang lalabas na uri virus sa buong mundo.

Take note, hindi lamang sa Pilipinas sumisirit ang COVID cases o bagong variant na Omicron kundi kahit ang mayayamang bansa ay pinapahirapan nito.

Kaya ang dapat talagang gawin ng lahat ngayon maging malinis sa katawan, mag-alkohol, mag-face mask at umiwas sa matataong lugar.

Samantala, pabor tayo sa sinabi ni Sorsogon Gov. Chiz Escudero na kailangan ng todong pagsuporta ng Department of Health (DOH) ng mga pilot province para sa implementasyon ng Universal Health Care (UHC) Act. Kabilang dito ang dagdag-pondo para sa pagsasaayos ng mga primary health care facility at pagsasanay ng mga health worker.

Ayon sa dating senador, hindi lahat ng 33 pilot provinces na kasama sa pagpapatupad ng UHC ay may sapat na pondo sa kalusugan para magkaroon ng maaasahang health care provider network (HCPN) na siyang hinihingi ng UHC Law.

“Makikita sa pandemic response ng iba’t ibang lokal na pamahalaan sa buong bansa kung kaya o handa ba ang isang lokalidad para sa UHC implementation. Ang mga mayor at governor, gusto naman nilang gastusan ang kalusugan ng kani-kanilang nasasakupan pero ang tanong pa rin palagi, may sapat ba silang pera para dito?,” ani Escudero.

Sa nakalipas na halos tatlong taon, ang Sorsogon, na isang pilot province, ay tuloy-tuloy sa pagsasaayos ng pundasyon nito ng HCPN at sa katunayan, ISO-certified na ang lahat ng siyam nitong public hospital subalit maraming probinsiya ang naubos ang kanilang pondo para sa paglaban sa COVID-19.

Lumilitaw sa isang pag-aaral ng Asian Development Bank na mahigit kalahati ng lahat ng rural health units sa Pilipinas ay walang kagamitan habang kulang-kulang naman sa tao ang mga district hospital kung kaya napipilitan ang mga pasyente na magpagamot na lamang sa mga private hospital.

“Kapag ganito, talo na agad ang UHC ngayon pa lang. Kung ninanais at desidido ang gobyerno na matiyak ang kalusugan ng lahat ng Pilipino, dapat buhusan talaga nito ng pondo ang ating public health facilities, lalo na iyong unang takbuhan ng mga tao—ang barangay health stations at rural health units. Kahit naka-devolved na sa LGUs ang health services pero ang totoo nito, hindi pa rin ito gagana kung walang funding support ng DOH,” ani Escudero na tumatakbo uli ngayon para sa bagong termino sa Senado.