Default Thumbnail

Bus vs trak: 1 patay, 11 sugatan

June 29, 2023 Edd Reyes 344 views

NASAWI ang 42-anyos na konduktor matapos sumalpok ang sinasakyang bus sa isang trak na may kargang buhangin Huwebes ng madaling araw sa Taguig City.

Namatay noon din ang biktimang si Arnel Aquino, konduktor ng Jac Liner Bus (UVW-935) na minamaneho ni Alfredo De Lara, 45, ng Sariaya, Quezon.

Sugatan din ang 11 pasahero ng bus na pawang isinugod sa Taguig-Pateros District Hospital.

Sa inisyal na pagsisiyasat na isinumite ni traffic investigator P/CMSgt. Antonio Zinampan kay Taguig City Police Chief P/Col. Robert Baesa, nangyari ang malagim na insidente dakong alas-4:30 ng madaling araw sa U-turn slot ng C-5 Road Southbound sa Brgy. Western Bicutan.

Sinabi ni Zinampan na nasa tamang linya para mag-U-turn ang Isuzu truck (CCO-5060) na minamaneho ni Richard Ocampo, 42, ng Guagua, Pampanga nang salpukin ng paparating na bus ang hulihang bahagi ng trak.

Sa lakas ng pagkakasalpok, tumagilid ang Isuzu truck habang tumilapon naman palabas ng bus ang konduktor at sumabit pa ang katawan nito sa hulihang bahagi ng trak na kaagad niyang ikinasawi.

Isinugod naman sa ospital ang mga sugatang pasahero ng bus na nakilalang sina Maria Legaspi, Michael Dela Rosa, Mary Dela Rosa, Mark Anthony, Ricson Quisado, Christian Escanta, Jade Darryl Brett Gooc, Mercelen Gayona, Victor Randy Inofre, Francis Dignom at Marimar Mercado.

Ayon kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Kirby John Kraft, nasa kostodiya na ng Taguig City Police ang driver ng bus at trak habang inihahanda na rin ng pulisya ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa kanila sa piskalya ng Taguig.

AUTHOR PROFILE