Booster shot para sa Sinovac?

August 13, 2021 Paul M. Gutierrez 262 views

PaulBAGO ang lahat, muling nagpapasalamat ang aming pamilya sa lahat ng mga nakiramay matapos ang pagpanaw ng aking 81-anyos na ama noong Lunes, Agosto 9.

Binabasa ninyo ito, maayos namin siyang nailibing kahapon, araw ng Biyernes.

At muli, ang ating panawagan, hindi lang sa mga medical officers at health officials sa San Pablo City, Laguna, bagkus, saan mang panig ng ‘Pinas. UMAYOS KAYO, mga Bosing!

At kay Sen. Bong Go at sa DOH, imbestigahan ninyo rin sana ang mga naisulat ko dito kahapon.

Abangan,

***

Patuloy ang ginagawang hakbang ng ating gobyerno sa paglobo ngayon ng bilang ng COVID-19 sa bansa gawa na rin pagpasok ng Delta variant. Kaya napilitan ang gobyerno na muling ilagay sa ilalim ng ECQ ang Metro Manila.

Sa kabila nito patuloy ang isinasagawang vaccination drive upang mabigyan ng proteksyon ang mga mamamayan laban sa nagpapatuloy na pandemya.

Sa ngayon nasa 26.1 milyon na umano ang kabuang bilang ng mga nabakunahan at nasa 12 milyon naman ang fully vaccinated.

Gayunpaman, May lumabas na “pag-aaral” na mukhang hindi magiging epektibo ang Sinovac sa bagong Delta variant at bumaba ang anti-bodies anim na buwan matapos ang 2nd shot.

Sa ganang atin, wasto ang paninindigan ng Department of Health na ang lahat ng bakuna ay nagbibigay ng proteksyon sa COVID-19. Suportado kasi ito ng mga pag-aaral ng iba pang mga eksperto sa buong mundo at kahit ng mga eksperto mula sa WHO.

Dahil naman sa sinasabing nawawala ang bisa ng Sinovac, eh marami ang “napapalundag” sa panukala na magkaroon ng tinatawag na booster shot ang mga naturuan ng Sinovac.

Una, ito ay makapagbibigay ng kapanatagan ng loob sa mga naturukan na at ikalawa, kung hindi gagawin ito, maaaring masayang lamang ang bakunang itinurok sa kanila.

Ayon pa sa mga mahilig gumawa ng intriga, kung hindi gagawin ito, mas lalong mawawalan ng kumpiyansa ang mga mamamayan na gamitin o magpaturok ng Sinovac para sa kanilang bakuna. Kung magkakaganoon mas lalong masasayang ang mga bakunang ito at mas babagal ang pagbabakuna.

Ngayon pa lamang ay may mga nag-aalinlangan pa rin sa pagpapabakuna sa kabila na mayroon namang nakalaan para sa kanila

Ito rin ay dahil sa patuloy na propaganda laban sa China kaya ginagawang politikal pati ang pagtulong na ibinibigay nito. Kahit na alam nating lahat na kahit ang World Health Organization (WHO) ay pinayagan ang paggamit nito. Ibig sabihin ligtas ito at epektibo.

Sa ngayon, malaki pa rin ang pangangailangan sa bakuna sa buong mundo at sa mga bansang katulad ng Pilipinas malaking tulong ang maibibigay ng Sinovac dahil malapit ito sa ating bansa. Mas nagiging madali ang transportasyon dito kumpara sa ibang mga bakuna.

Sa ganang atin pa, hindi dapat pinapatulan ang ganitong mga mga ‘disinformation campaign’ na bahagi ng mas malaking kampanya ng Estados Unidos at iba pang bansa na pasamain ang imahe at wasakin ang kredibilidad ng China at mailatag ang mga batayan upang mailunsad ang plano nilang giyera laban sa China na susuportahan ng mga Pinoy

Translation? Maging mapanuri tayong palagi mga kabayan. Hindi lahat ng “balita” ay totoo.

Sa madaling salita, huwag maging bobo at tanga.

AUTHOR PROFILE