‘Batman & Robina’

August 13, 2021 Allan L. Encarnacion 253 views

Allan EncarnacionSINO ba naman sa atin ang hindi nangarap na maging superhero noong mga panahon ng ating kabataan?

Sa tuwing tayo’y aakyat ng mga puno, lulundag sa mga bakod, maghahabulan sa bubungan; ang palaging karakter na pumapasok sa atin ay ang mga karaniwan nating nakagisnang superhero gaya nila Superman ot Batman and Robin or kung sino man sa Justice League.

Hindi ko alam kung pamilyar kayo sa kanta ng nasirang si Fred Panopio na ang titulo ay “Bida.” Isa ito sa paboritong kong awitin noong aking kamusmusan na ganito ang linya: Noong ako’y isang munting bata pa, ang pangarap ko’y maging bida. Gusto kong tularan ay si Tarzan, maging si Superman, gayon din si Batman.”

Kikakanta ko ito kapag nasa bubong ako habang sinasalubong ang malakas na ulan at hanging humahampas nang marahan sa aking mukha.

Hinubog ng mga superhero characters na ito ang ating kaisipan sa ating kamusmusan na maaring nagbigay ng “superhero instinct subsconsciously” sa maraming kababata ko noong araw.

Kung minsan, kapag marami-rami kayong naglalaro, nag-uunahan kayo sa mga karakter na itatak sa inyong sarili. Top choice palagi si Superman na ang palaging nakakakuha ay ang pinakasiga sa inyong magkakalaro.

Pangalawa si Batman. Si Spiderman, ngayon na lamang naman naisama sa mga too choices pero noong mga unang panahon, sila Superman at Batman lang ang bida. Nakakasingit din minsan si Captain Amerika at si Wonderwoman dahil magkakalaro naman ang babae’t lalaki mula’t mula.

Kung talagang wala ka nang magawa, sasabihin mo na lang na ikaw si Robin kahit alalay lang ni Batman ang dating. Iyong mga naubusan ng karakter, nauuwi na lang sa “bahay-bahayan” ang laro na ang dami namang gustong pumapel na tatay sa batang magandang nanay!

Ito na ngayon ang problema, hindi ko na alam kung papasok pa rin si Robin sa mga last choice ng mga batang katulad namin noong dekada 70. Ang huling balita, sa bagong comics ng Batman & Robin, lumabas na ang bagong karakter niya na isang “bading.”

May mga palantandaan na si Robin na makikipagrelasyon sa kapwa niya lalaki. Sana nga lang huwag si Batman ang makama-bromance niya dahil magkakaproblema ako sa kinakanta kong “Bida.”

Pero may mga sinasabi na rin sa comics character na posible ring bading si Batman kaya lalo akong nagkaproblema sa paborito kong awitin. Hindi ko alam kung anong impluwensiya ng ganitong pagbabagong mukha ng mga karakter ng mga superhero ng aming mga kabataang noong unang panahon at sa mga kabataang ngayon.

Hindi ako magtataka kung may lumabas na bagong superhero tandem na “Batman & Robina” or baka mas madali ang “Batman & Barbie” para maiba naman!

Ang dalangin ko lang, ang ending ng paborito kong cartoon characters ng Hanna-Barbera productions na “Tom & Jerry” ay hindi sila magpapakasal!

allanpunglo@gmail.com