Default Thumbnail

Binata, 22, nahulog mula 31st floor ng condo, dedo

April 15, 2024 Melnie Ragasa-limena 100 views

NASAWI ang isang 22-anyos na college student matapos mahulog umano mula sa ika-31 palapag ng tinitirhang condominium sa Quezon City nitong Lunes ng umaga.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU- QCPD), bandang 5:55 ng umaga (April 15), nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa PWD ramp ng tinitirhang condominium sa Quezon City

Batay sa imbestigasyon nina SSg Erwin Jay Mendez at PSSg Christian Loyola, bago ang insidente, kasama pa umano ng ina ang binata na natutulog sa kanilang condo unit.

Habang nagsasagawa naman ng roving ang duty security guard sa condominium ay nakarinig umano ito ng malakas na kalabog sa lobby at nang kaniyang puntahan ay bumungad sa kaniya ang biktima na duguang nakabulagta sa lupa.

Dumating ang SOCO Team mula sa QCPDFU sa pangunguna ni P/Captain Michael Jale at sa isinagawang cursory examination na nagtamo ng matinding pinsala sa katawan at ulo ang biktima na agaran nitong ikinasawi.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung nahulog o sadyang tumalon ang biktima sa gusali.